Home NATIONWIDE OTS: Airsoft, pellet gun bawal sa paliparan

OTS: Airsoft, pellet gun bawal sa paliparan

MANILA, Philippines- Pinaalalahanan ni Office for Transportation Security (OTS) Administrator Arthur Bisnar ang mga pasahero na mahigpit na ipinagbabawal ang airsoft gun at pellet gun sa mga paliparan.

Ayon kay Bisnar, ang pagdadala ng mga nasabing ipinagbabawal na bagay ay maaaring maging sanhi ng pagkaantala sa screening operation na magreresulta sa pagpigil sa pasahero ng mga nakatalagang OTS security screening officers.

Ipinaliwanag ni Bisnar na ang mga airsoft at pellet gun ay may katulad na katangian sa isang tunay na baril.

“To ensure smooth travel experience, please refrain from bringing these items and check for the OTS prohibited items list before the scheduled departure,” ani Bisnar.

Ang paalala ni Bisnar ay nag-ugat makaraang maharang ng mga tauhan ng screening ang isang pellet gun mula sa isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 noong Abril 28.

Ayon sa OTS, ang nasabing pellet gun ay napansin sa baggage X-ray screening. Ito ay pag-aari ng isang dayuhan na patungo sa Caticlan.

Nabatid na ang pellet gun ay itinurn-over sa Philippine National Police Aviation Security Group para sa tamang disposisyon habang ang pasahero ay pinayagang makasakay sa kanyang flight. JAY Reyes