
LUMAKI nang lumaki ang isyu hinggil sa sinasabing “gentlemen’s agreement” sa pagitan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jin Pin mula nang paputukin ito ni Atty. Harry Roque, dating tagapagsalita ni Pangulong Duterte.
Umani na kasi ng katakot-takot na opinyon at paniniwala, hindi lamang ng publiko, maging sa mga dating opisyal ng nakaraang administrasyon at kasalukuyang opisyal tulad ni National Security Adviser Eduardo Año na nagsabing panay ang dakdak ng bansang China sa gentlemen’s agreement pero wala naman maipakitang dokumento bilang pruweba sa usapan.
Iba naman ang sinasabi ni Atty. Salvador Panelo, dati ring spokesperson at chief legal counsel ni Duterte nang ihayag na naroon siya mismo sa state visit ni PRRD at maging sa ginanap na pag-uusap ng dalawang lider at wala siyang narinig na pinagkasunduan ng dalawa.
Pero nang mag-react na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at sinabing nakasisindak ang pinasok na sikretong kasunduan kung mayroon man, lalo pang lumaki ang isyu.
Nagpahayag pa nga si PBBM nang pagnanais na kausapin ang dating Pangulo at itanong mismo sa kanya kung ano talaga ang napag-usapan nila ng Pangulo ng China at kung ano ang mga naipangako na hindi nila alam kaya ganoon na lamang ang galit sa kanila ng China.
Inamin na rin kasi ni Duterte na nagkaroon sila ng pag-uusap noon ni Pangulong Xi Jin Pin at napagkasunduan na walang gagalawin sa West Philippine Sea o South China Sea kung tawagin ng China, na nangangahulugan na “status quo” o hindi magsasagawa ng anomang aktibidad ang dalawang bansa sa pinagtatalunang teritoryo.
Ang naging paniniwala ni PBBM na hindi genlemen’s agreement kundi secret agreement ang namagitan sa dating Pangulo at pinuno ng China na pinalagan naman ni Atty. Roque at sinabing hindi ito sikreto dahil isiniwalat na ito ni dating Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano.
Mas malilinawan tayo kung babalikan natin ang sinabi mismo ni Cayetano tungkol sa umano’y gentleman’s agreement na ito dahil ang sinabi noon ng dating kalihim ng Department of Foreign Affairs sa isang panayam sa Council on Foreign Relations noong October 2, 2017, malinaw ang kanyang pahayag nang mag-usap ang dalawang puno ng bansa, na humantong ang kanilang pag-uusap sa isang “consensus” na pananatilihin ang status quo sa pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea.
Samakatuwid, consensus at hindi gentlemen’s agreement ang napagtapusan ng pag-uusap na kung sisilipin ang kahulugan ng dalawang kataga sa dictionary ay parehong may kakaibang kahulugan.