Home METRO Content creator tigok sa pagkain ng ‘devil crab’

Content creator tigok sa pagkain ng ‘devil crab’

268
0

MANILA, Philippines – Nasawi ang isang content creator matapos kumain ng nakalalasong “devil crab” sa Barangay Luzviminda, Puerto Princesa City.

Kinilala ang biktima na si Emma Amit, na umano’y nakakuha kasama ang kanyang pamilya ng mga alimango sa Sitio Tacduan noong Pebrero 4, nang hindi alam na may lason ang naturang uri.

Nakapag-vlog pa umano siya ng kanilang pagluluto.

Ayon kay Punong Barangay Laddy Gemang, unang nakain ng pamilya ang karaniwang alimango, ngunit hindi nila namalayang devil crab ang naluto kinabukasan.

Dagdag niya, kumain din ang kaibigan ni Amit at nakaranas ng pamamanhid ngunit naisalba matapos dalhin sa ospital.

Nawalan ng malay si Amit at isinugod sa ospital ngunit binawian ng buhay noong Pebrero 6. Pitong talukap ng devil crab ang nakita sa kanilang basurahan sa isinagawang imbestigasyon.

Ayon kay Gemang, ikatlong insidente na ito ng pagkalason sa kanilang lugar dahil sa devil crab, kaya paiigtingin ang pagbibigay-babala sa mga residente.

Matagal nang nagbababala ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) laban sa pagkain ng devil crab, na kilala rin bilang “kuret,” “liod,” “kaligmata,” “kagang-bugton,” at “karal-karal,” dahil may taglay itong lason kahit naluto na.

Kabilang sa mga sintomas ng pagkalason ang pamamanhid ng bibig, hirap sa paghinga, paninikip ng dibdib, pagsusuka, pagkahilo, paglabo ng paningin, pagkaparalisa, at pagkawala ng malay. Pinayuhan ang publiko na agad magtungo sa pinakamalapit na pagamutan sakaling makaranas ng mga ito. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here