MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang pamahalaan na gamitin ang contingency fund ng Pangulo para sa agarang pagbibigay ng fuel subsidy sa driver ng Public Utility Vehicle (PUV) sa gitna nang tumitinding sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na nakatakda sa batas na maaaring gamitin ng Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang contingency funds upang punan ang pagbibigay ng ayuda sa PUV drivers na tiyak tatamaan ng hagupit ng pagtaas ng halaga ng Langis.
“Huwag na nating hintayin ‘yung $80 kada bariles bago tayo magbigay ng ayuda sa ating mga tsuper kasi mataas na ang itinaas ng presyo ng langis,” ani Gatchalian. Aniya, tuloy tuloy na rin kasi ang pagtaas bago pa man sumiklab ang bakbakan sa Gitnang Silangan.
Sa ilalim ng programang Pantawid Pasada, ang pagkakaloob ng subsidiya sa mga benepisyaryo ay nakadepende sa ilalabas na sertipikasyon ng Department of Energy (DOE) na ang aktwal na average na presyo ng Dubai crude oil sa loob ng isang buwan ay umabot na sa $80 bawat bariles.
Batay sa mga ulat, ang pinakabagong pagtaas ng presyo sa bansa ay ang ikasampung sunod na linggong pagtaas sa diesel at kerosene, at ikawalong sunod na linggo naman para sa gasolina. Mula noong Enero, tumaas na ang presyo sa merkado ng P6.70 bawat litro para sa gasolina, P9.40 para sa diesel, at P7.70 para sa kerosene.
Hinimok din ni Gatchalian ang DOE na suriin ang kasalukuyang imbentaryo at pagpepresyo ng mga lokal na kumpanya ng langis upang matiyak na hindi labis ang itinataas ng presyo. Ernie Reyes