Home NATIONWIDE Contractual, pinabibigyan ng permanent position sa rightsizing plan ng gobyerno

Contractual, pinabibigyan ng permanent position sa rightsizing plan ng gobyerno

MANILA, Philippines – Iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na isama sa panukalang rightsizing sa gobyerno ang isang probisyon na lilikha ng plantilla positions para sa lahat ng kwalipikadong kontraktwal na empleyado.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na bibigyan ng prayoridad sa panukala ang lahat ng empleyado na matagal nang ginagampanan ang katulad na tungkulin o serbisyo sa gobyerno sa loob ng maraming taon.

“Nais kong magmungkahi na lumikha ng plantilla position upang ma-accommodate ang mga kwalipikadong empleyado na kontraktwal,” sabi ni Gatchalian sa nagdaang pagdinig ng Senado sa Senate Bill 890 o ang Rightsizing the National Government Act.

Aniya, maraming contractual employees ang higit sampung taon nang ginagampanan ang kanilang mga posisyon sa gobyerno na nakakatugon sa mga requirement ng civil service.

“Maraming contractual na nandoon na for 10 years na qualified naman. Ang problema lang, walang plantilla item,” ani Gatchalian. Ang plantilla position sa gobyerno ay tumutukoy sa isang permanenteng posisyon na may nakalaan nang pondo sa taunang General Appropriations Act.

Ayon kay Gatchalian, ang rightsizing ay hindi lamang dapat nakatuon sa pagpapahusay ng takbo o operasyon sa gobyerno. Dapat ring mabigyan ng tama at angkop na posisyon ang mga empleyado ng gobyerno para sa mga tungkuling matagal na nilang ginagampanan. Binigyang-diin ng senador na hindi dapat maging hadlang ang kawalan ng plantilla items sa layuning mapabuti ang serbisyo publiko.

Sa naturang consultative hearing din, hiniling ni Gatchalian sa mga kinatawan ng Department of Budget and Management na magbigay ng mga pagtatantya sa potensyal na matitipid ng gobyerno sakaling maipasa ang panukalang rightsizing.

Binigyang-diin ng chairperson ng Senate Committee on Ways and Means na ang anumang matitipid o savings mula sa panukalang rightsizing ay maaaring makatulong sa pagpapabuti ng pananalapi ng gobyerno nang hindi kinakailangang magpataw ng mga bagong buwis. Ernie Reyes