Home NATIONWIDE Animal Welfare Bill, isusulong ni Poe sa Senado

Animal Welfare Bill, isusulong ni Poe sa Senado

MANILA, Philippines – Nangako si Senador Grace Poe na kanyang gagamitin ang lahat ng pamamaraan upang maisabatas ang Animal Welfare Bill at tuldukan ang pagmamalupit at pang-aabuso sa hayop.

Sa pahayag, tiniyak ito ni Poe matapos malaman at mapatunayan na patuloy at tumataas ang bilang ng taong nang-aabuso sa alagang hayop tulad ng aso at pusa.

“Harrowing cases of animal cruelty pop up in the news and on social media, but too often, the abusers go unpunished,” ayon kay Poe.

“We need a more comprehensive and tougher law that will not only give perpetrators a slap on the wrist. Let’s make this happen in this Congress,” dagdag ng chairperson of the Senate Finance Committee.

Naunang inihain ni Poe ang Senate Bill No. 2458 na naglalayong amyendahan ang 26-year-old Animal Welfare Law sa pamamagitan ng paglalagay ng mas mahigpit na pamantayan, mas mabigat na parusa at paglikha ng Barangay Animal Welfare Task Force.

Aniya, mahalaga ang bawat araw na lumilipas upang maisabatas ang panukala dahil malapit nang magtapos ang 19th Congress sa Hunyo 30 ng taon.

Magtatapos na rin ang dalawang, 12-taong termino ni Poe sa Senado ngunit nangakong ipagpapatuloy ang adboksiya sa kagaligan ng alagang hayop.

Hindi dapat, aniya, na balewain ang pang-aabuso sa hayop.

Binanggit ni Poe ang ulat sa Kabisayaan na natagpuan na lamang nila ang kanilang alagang aso na pinatay saka sinunog matapos mawala ng ilang araw.

Base sa ulat, pinatay at sinunog ang aso ng isang lalaki matapos kagatin nito ang alagang manok.

Ipinakikita din ang isang viral video ng isang tricycle driver na hila-hila ang isang pusa.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng kapangyarihan ang local officers na tugunan ang isyu sa kagalingan ng hayop nang mabilisan.

Nakatakda din sa panukala ang isang probisyon na gagawing deputado bilang animal welfare enforcement officers ang lahat ng volunteer sa sumailalim sa masusing pagsasanay.

Bukod dito, lilikha din ang batas ng pamantayan na may layunin na itaguyod ang responsablang pagmamay-ari ng alagang hayop kabilang ang ethical behavior at pananagutin sa lahat ng may control o nagbibigay ng pag-aaruga sa hayop.

“This bill is always worth fighting for as animal welfare reflects society’s capacity for compassion,” ani Poe. Ernie Reyes