CEBU CITY- HIMAS rehas ang isang kelot matapos gahasain ang 15-anyos na dalagitang kapitbahay, iniulat kahapon, Enero 12 sa bayan ng Abellana.
Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Abellana Police Station, ang 21-anyos na suspek na itinago sa pangalang Toryo, taga-Barangay Sambag 2.
Batay sa report ng pulisya, bandang 3:36 PM nitong Sabado naganap ang insidente sa loob ng banyo ng suspek sa nabanggit na lugar.
Sa reklamo ng biktimang si Nena (di-tunay na pangalan), nakatanggap siya ng mensahe sa social media mula sa suspek at pinapunta siya nito dahil mayroong ibibigay.
Aniya, dahil kapitbahay at kilala naman nito ang suspek ay kumpiyansa siyang nagtungo sa bahay subalit pagdating niya ay agad siyang pinapasok sa CR.
Sa pag-aakalang sorpresa ang ibibigay ng suspek ay mabilis itong sinundan sa banyo saka ni-lock ang pintuan.
“Hinawakan po niya ang dalawa kong kamay pagkatapos ay hinubad ang pang-ibaba ko at duon na niya ang ipinasok ang kanyang ari hanggang sa siya ay nakaraos saka po ako pinalabas,” ani Nena.
Agad na nagtungo sa kanilang barangay ang biktima para humingi ng tulong na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Dinala naman ang biktima sa Pink Room sa Vicente Sotto Memorial Medical Center para isailalim sa eksaminasyon habang nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang suspek. Mary Anne Sapico