Home NATIONWIDE Counter-charge ikakasa ng Manibela vs QCPD

Counter-charge ikakasa ng Manibela vs QCPD

MANILA, Philippines- Iginiit ng presidente ng transport group na Manibela nitong Linggo na maghahain sila ng counter charge laban sa Quezon City Police District (QCPD) para sa umano’y pagtatalo na naganap sa kanilang kilos-protesta sa labas ng Kamara.

“‘Yung 100 meters away dapat ‘yung kapulisan, talagang nakadikit, hinahampas, pinapalo ‘yung ating mga kasamahan. Kung makakuha kami ng kopya nitong reklamo, magka-counter charge po kami sa Ombudsman at Commission on Human Rights,” pahayag ni Mar Valbuena sa isang panayam.

Nauna nang inanunsyo ng QCPD na nagsampa ito ng reklamo laban kay Valbuena at dalawa pa para sa nasabing kilos-protesta.

Subalit, sinabi ng Manibela na hindi pa sila makatugon sa reklamo dahil hindi pa nila natatanggap ang kopya nito.

“Wala pa kaming natatanggap na kahit anong reklamo kasi hindi namin alam kung saan ba nila ito inadress. Baka nililigaw kami. Mayroon din kaming constitutional rights na pwede kaming mag-assemble, mayroon kaming freedom of speech,” giit niya.

“Sabi din ng kapulisan noong nandoon kami sa [protest], karapatan natin ‘yun. Tapos kinasuhan na kami. Ano po ba ang tama dito? Napipilitan lang ba kayo? May nagu-utos lang ba sa inyo? Lahat po ba ng klase ng protesta ay kinakasuhan ninyo o selective lang,” dagdag ni Valbuena.

Nang tanungin kung bakit hindi sila nag-apply ng permit to protest sa labas ng Kamara, inihayag ni Valbuena: “Nagbibigay po ba sila ng permit sa dami ng in-apply natin noong mga nakaraan? Hindi naman po diba? Hindi naman po sila nagbibigay ng permit kahit anong rally po.”

Kinuwestiyon din niya kung bakit sila kinasuhan ng QCPD sa kanilang pagpoprotesta gayong hindi nila ito naranasan sa ibang lugar.

“Sino po kaya ang nag utos nito at bakit sa QCPD lamang po tayo hinaharang? Sa Caloocan, Pasig, at Maynila po walang gano’ng eksena,” ani Valbuena. RNT/SA