Home OPINION WALANG PULIS NG NCRPO NA SALUNGAT SA ADMINISTRASYON – RD NARTATEZ

WALANG PULIS NG NCRPO NA SALUNGAT SA ADMINISTRASYON – RD NARTATEZ

SUMUSUNOD ang mga pulis  na nakatalaga sa National Capital Region sa tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na huwag makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court kaugnay sa war on drugs ng nakalipas na administrasyon.

Ito ang pinatotohanan ni National Capital Region Police Office regional director P/MGen Jose Melencio Nartatez, Jr. kaugnay sa pagbubunyag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na isa sa kanyang upperclass man ang naghihikayat sa mga aktibong opisyal na tumestigo laban sa senador at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa isinasagawang imbestigasyon ng ICC.

Itinanggi ni Nartatez na may mga pulis sa ilalim ng kanyang pamamahala ang nakikilahok sa imbestigasyon ng ICC. Naniniwala ang inyong lingkod na matindi ang monitoring na ginagawa ng regional intelligence chief o R2 ng NCRPO na si P/Col. Jess Mendaz.

At naniniwala si Juan de Sabog na walang pulis ng NCRPO na magiging taliwas sa kautusan dahil batid ng mga ito kung gaano kadisiplinado ang regional director ng NCRPO.

Alam nilang napakahigpit ng miyembro ng Philippine Military Academy Class ’92 na marami-rami na rin ang sinibak na pulis dahil sa pagiging malatuba. Paano pa kaya kung mapatunayang hindi tapat sa kanilang tungkulin?

Para sa NCRPO chief, ang kanyang mga tauhan ay siguradong nananatiling tapat o loyal sa Konstitusyon at hindi kailanman magtataksil sa bayan.

Noong nakaraang linggo, bumisita sa NCRPO ang hepe ng Philippine National Police na si P/Gen Rommel Francisco Marbil, ka-mistah ni Nartatez, upang pataasin ang moral ng mga pulis na nasasakupan ng kanyang Mistah.

Pero naniniwala ang marami na ang layon ng pagtungo sa NCRPO ng hepe ng pambansang pulisya ay ang pagtiyak sa katapatan ng mga pulis.

Kasi nga, may mga bali-balitang may nilulutong pag-aaklas laban kay Pangulong Marcos na sinasabing ang may pakana ay si dating Pangulong Digong.

Pinatotohanan ito ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang mga haka-hakang may pagtatangka ngang pag-agaw sa administrasyong Marcos.

Pero ang lahat ng sinabi ni Trillanes ay pinasinungalingan ng Armed Forces of the Philippines at PNP kasabay nang paglalahad ng kanilang katapatan sa konstitusyon at mismong sa Pilipinas.

O, di ba? Bilang show window ng bansa, sinisiguro ni Tateng, tawag kay Nartatez, na handa ang mga pulis ng Metro Manila na tayuan at ipagtanggol ang Konstitusyon.