Home OPINION BIGAY NG DOLE

BIGAY NG DOLE

HINDI lamang ordinaryong Filipinong manggagawa ang pinahalagahan ng Department of Labor and Employment nitong nagdaang “Labor Day”.

Ibinalita rin ng DOLE ang makabuluhan nitong programa sa mga nagbabalik-loob sa pamahalaan ng mga dating rebelde.

Mahigit nga raw 10,000 indibidwal at mga pamilya na ang nakinabang na sa kanilang pagbibigay sa mga ito ng trabaho at livelihood programs ng ahensiya.

Si Labor Undersecretary Benjo Santos M. Benavidez ang ginawang kinatawan ng DOLE sa nakaraang ‘virtual’ na balitaan kung saan inihayag ng opisyal ang mga oportunidad sa mga dating rebelde upang magkaroon sila nang ikabubuhay matapos ang kanilang pagsuko.

Ang mga ito raw ay para ‘di na muling manumbalik ang maling idelohiyang isiniksik sa kanila ng mga maling samahan na dati nilang kinabibilangan.

At hindi lamang trabaho ang mga ito, kundi kabuhayan sa kanilang muling pagbabalik sa tamang lipunan na kanilang mapakikinabangan.

Sa “Tulong Panghanapbuhay Para sa ating mga Disadvantage Workers “ (TUPAD) program, ayon kay Benavidez, naglaan ang DOLE ng mga panggagalingang pondo at mga programang pangkabuhayan para sa mga dating rebelde upang maipakita sa kanila ang pagmamalasakit ng pamahalaan na tanging layunin ay ang pag-unlad ng lahat.

Mahalaga ang papel na ginagampanan ng DOLE. Ito ang nakahihikayat sa iba pang rebelde na sumuko na lamang at makiisa na sa pamahalaan.

Nasa 6,100 former rebels na nga raw ang may permanenteng kabuhayan na nakinabang sa programa, karamihan dito ay nasa lugar ng CARAGA, Region 9, at Region 11.

Sa TUPAD program naman, halos 10,000 former rebels na ang nabigyan upang makapag-patuloy na silang muli bilang mga sibilyang kakampi ng pamahalaan tungo sa kaunlaran.

Ipinangako ni Benavidez, na magpapatuloy ang programa hindi lamang para sa mga dating rebelde kundi para sa lahat ng naghahanap ng trabaho o kabuhayan.

Sa kabilang banda naman, naghayag din si Director Jose A. Descallar ng NTF-ELCAC na mahalaga ang 50 taong pagkilala sa ating mga manggagawa bunga na rin ng Labor Code.

Ito ang nagbibigay ng “industrial peace” na makakapagbigay naman ng pag-angat ng ekonomya ng bansa at kabawasan sa kahirapan.

Kaya dapat laging sinusunod ang mga labor laws para sa pagka-pantay-pantay ng lahat upang magkaroon ng masagana at makatarungang lipunan.