Home OPINION SIGURADUHIN NA “UP-TO-DATE” ANG INYONG SSS CONTRIBUTION

SIGURADUHIN NA “UP-TO-DATE” ANG INYONG SSS CONTRIBUTION

169
0

PINAYUHAN ng Social Security System ang mga miyembro nito na mag-obserba, makiramdam, at maging alerto sa mga emplo­yer na mayroong kinakaltas sa sahod ngunit hindi pala naipasok o sadyang hindi hinuhulugan ang buwanang kontribusyon, baka isa kayo sa mga apektadong manggagawa.

Mas makabubuti ayon kay Fernando “Fernan” Nicolas, vice president for NCR north division, na alamin mismo ang estado ng kanilang mga kontribusyon sa pamamagitan ng My.SSS portal.
Kapag lumabas kasi sa verification na hindi naihuhulog ang buwanang kontribusyon ay maaari itong ipaalam kaagad sa SSS branch na nakasasakop sa inyong kompanya para sa SSS intervention at posibilidad ng pagsasampa ng kaso ng paglabag sa Republic Act No. 11199 dahil ang hindi pagbabayad ng kontribusyon ay isang criminal offense sa ilalim ng ating batas.
Kung hindi makikipagtulungan ang employer sa SSS, may mga nakalaang remedyo naman kasi.
Matatandaan na bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng International Labor Day ay nagsagawa ng sabayang “R.A.C.E” acti­vity o “Run After Contribution Evaders” ang SSS sa buong bansa na pinangunahan mismo ni SSS President and Chief Executive Officer Rolando Ledesma Macasaet kung saan nasa 1,200 delinquent employers ang nabigyan ng Notice of Violations at pinagpapaliwanag sa loob ng 15 araw kung bakit hindi nila naihulog ang mga kontribusyon sa takdang panahon. Sa pagtataya ay nasa Php 335 million ang halaga ng kontribusyon na para sa 19,000 na mga manggagawa. Malaking halaga at marami-ra­ming bilang ng mga manggagawa.
Para kay Nicolas, patuloy pa rin kasing bumabangon ang maraming negosyo sa naging hagupit sa ekonomiya ng COVID-19 simula taong 2020 hanggang nitong 2023 na sinabayan pa ng kaliwa’t kanang kalamidad at trahedya, sino nga ba naman ang hindi mapapa-aray sa ganitong sitwasyon. May pandemya na, sinamahan pa ng malalakas na bagyo, paglindol, sunog, pagputok ng bulkan, mataas na halaga ng mga bilihin, matinding trapiko, at iba pa. Naniniwala sila sa SSS na hindi naman talaga intensyunal at umiwas sa paghuhulog ng kontribusyon kundi sadyang halos nag-uumpisa pa lamang muli ang mga negosyo lalong-lalo na ang mga nasa micro, small and medium enterprises na siya naman talagang pinakaapektado.
Kaya naman sa parte ng SSS ay pinakikinggan nila ang bawat paliwanag ng mga employer at hindi kaagad-agad na nagkakaso na tatagal din naman sa Hukuman.
Mas tinututukan ng SSS ang pagbibigay ng mga relief prog­ram sa mga employer na ito katulad ng “Enhanced Installment Payment Program” at “Contribution Penalty Condonation Prog­ram” na nagbibigay pagkakataon sa kanila na ihulog ang mga overdue contributions kaya wala ng aalalahanin pang penalties and charges.
Tama naman ang ginagawa ng SSS, kailangan kasi ng puso at hindi basta tapang lamang. Nadaraan naman sa bukas na pag-uusap ang problemang katulad ng sa kontribusyon. Para din naman ito sa kaginhawaan ng mga manggagawa. Kung lahat ay diretso sa Korte, at nangailangan ang miyembro, wala siyang magagawa kundi maghintay na matapos ang litigasyon. Pero sa mga alternatibong pamamaraan ng SSS, lahat ay panalo.
Palagi nating tandaan na nanggaling tayo sa bangungot ng COVID-19 at mismong National Economic and Development Authority (NEDA) na ang nagsabi na mahaba-habang panahon pa nating iindahin ang epekto ng krisis pangkalusugan na ating naranasan at nalagpasan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here