Home METRO Courier ng P816M shabu kinasuhan na

Courier ng P816M shabu kinasuhan na

CALAPAN CITY, Oriental Mindoro- Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang isang truck driver na nakuhanan ng P816 milyong halaga ng shabu sa interdiction operation ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Marso 21.

Ayon kay Joseph Frederick Calulut, tagapagsalita ng PDEA, ang suspek na si Christopher, 43, taga-Pavia, Iloilo City, ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Law of 2002 (pagbebenta, pangangalakal, pangangasiwa, dispensasyon, paghahatid, pamamahagi, o transportasyon ng anumang mapanganib na gamot at/o kontroladong pasimula.)

Matatandaang nahuli si Christopher matapos na positibong maamoy ng mga narcotics detection dog ng Philippine Coast Guard at PDEA-Mimaropa (Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) ang limang bag at dalawang metal na maleta sa isang kotse na naglalaman ng 120 kilo ng shabu.

Naharang ng mga awtoridad ang sasakyan ng suspek sa isang checkpoint malapit sa exit ng pier. Sinubukang tumakbo ng suspek para tumakas pero kalaunan ay nakorner din ito ng mga awtoridad.

Depensa ng suspek, kinuha lamang niya ang sasakyan sa Batangas at sumakay ng Roll on, Roll off papuntang Calapan City.

Sinabi ni Calulut na ang mga kontrabando ay pinoproseso at kalaunan ay itatapon sa isang thermal plant sa mainland Luzon. Mary Anne Sapico