ABRA- Patay ang isang punong barangay na kumakandidatong konsehal matapos barilin ng suspek na kalaban ng kabilang grupo sa gitna ng kampanya, kahapon sa lalawigan ito.
Kinilala ang biktimang si retired police Lou Salvador Claro, 57, chairman ng Barangay Nagtupacan at SB member candidate sa partido ng Team Progreso.
Nasawi naman ang suspek na si Manzano Bersalona, 58, at residente ng naturang lugar.
Batay sa report ng Lagangilang Municipal Police station, bandang alas-6:50 ng hapon ng Abril 7, 2025 naganap ang krimen sa nabanggit na barangay.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, sabay na nagsagawa ng campaign sortie sa naturang lugar ang grupo ng biktima at suspek.
Habang nasa gitna ng kampanya, nagsumbong kay Claro ang isang Rommel Apolinar na sinuntok siya ni Bersalona ng Team Asenso.
Dahil dito, kinausap ng biktima ang suspek para ayusin ang gulo subalit muling sinuntok ang huli si Apolinar.
Sabay bumunot ng baril ang suspek at pinagbabaril si Claro na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan habang bigla na lamang may bumaril sa likuran ni Bersalona.
Agad na isinugod sa ospital ang dalawa subalit idineklarang patay ang mga ito ng umatending doktor.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico