CEBU CITY- Arestado ang isang high value individual na pulis sa isinagawang buy-bust operation ng mga kabaro nito, iniulat kahapon sa bayan ng Mandaue.
Sa pinagsamang operasyon ng Police Regional Office (PRO) 7, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 7 at Mambaling Police Station, nadakip si Police Staff Sergeant Niesel Pescante, 33, taga-San Vicente, Liloan at desk officer ng Mandaue City Police Office (MCPO) station 6.
Batay sa report ng pulisya, bandang alas-11:15 ng umaga ng Abril 6, 2025 nadakip ang suspek sa C. Padilla, Barangay Mambaling, Cebu.
Nakuha sa suspek ang nasa 60 gramo ng shabu na may market value P408,000, PNP ID, .9mm service firearm, magazine na may 14 na bala at motorsiklo.
Sinabi ng pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil matagal na kalakalan ng ilegal na droga ng suspek at tumigil lamang ito sa panahon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Subalit, muling ipinagpatuloy ng suspek ang kanyang ilegal na aktibidades at inilatag ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip nito.
Nasa kustodiya ngayon ng PRO-7 ang suspek at inihanda ang mga kasong isasampa.
Habang sinusulat ang ulat na ito ay hindi nagbigay ng kanyang pahayag ang suspek. Mary Anne Sapico