Home METRO PRO-11 spox negatibo sa drug test

PRO-11 spox negatibo sa drug test

DAVAO CITY- Mariing itinanggi ng pamunuan ng Police Regional Office-11 ang kumalat na balitang positibo sa isinagawang random drug testing si Police Major Catherine dela Rey, tagapagsalita ng PRO-11, kamakailan.

Sa pahayag ni PRO-11 Director Police Brig. Gen. Leon Victor Rosete, nitong Lunes Abril 7, 2025, isang patrolman ang nagpositibo sa shabu sa isang random drug test kamakailan na nakatalaga Drug Enforcement Unit sa New Bataan, Davao De Oro.

Kasalukuyang nasa restrictive custody na ang pulis na nagpositibo sa paggamit ng ilegal na droga at inihanda ang kasong administratibo.

“Si Major Dela Rey ay hindi nagpositibo sa ilegal na droga at patuloy na nagsisilbi sa kanyang tungkulin nang may buong integridad at magandang track record,” ani Rosete.

Binalaan naman ni Rosete ang sino mang nagpapakalat ng mga pekeng balita na gagawa sila ng legal na aksyon at nanindigan sila sa kanilang pangakong transparency.

Aniya, patuloy nilang nililinis ang kanilang hanay sa pamamagitan ng regular na drug testing at tiniyak sa publiko na patuloy nilang poprotektahan ang reputasyon ng lahat ng tauhan, lalo na ang mga maling akusado.

“Nananatili kaming matatag sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko at pagtitiyak na maibibigay ang hustisya nang patas at walang kinikilingan para sa lahat ng miyembro ng puwersa ng pulisya,” dagdag pa ni Rosete.

Giit pa ni Rosete, hindi hadlang ang ‘fake news’ sa kanilang patuloy na pagtupad sa tungkulin, linisin ang kanilang hanay, pagiging tapat na serbisyo sa publiko at determinado silang pangalagaan ang dignidad ng mga tauhan laban sa mga malisyosong pag-atake.

Samantala, nasamsam ng PRO-11 ang ilegal na droga na nagkakahalaga ng P3.2 milyon sa 63 operasyong ginagawa simula Marso 10 at 16 na ikinadakip ng 68 indibidwal, kabilang ang siyam na high-value target at 59 street-level suspects. Mary Anne Sapico