MANILA, Philippines- Ipinatitigil sa Korte Suprema ang concession contract sa pagitan ng gobyerno at ng New NAIA Infra Corporation (NNIC) para sa Ninoy Aquino International Airport.
Hiniling ng grupo ng mga abogado na magpalabas ang Supreme Court ng temporary restraining order o status quo ante para mapigilan ang concession contract.
Ayon sa mga petitioner, ang naturang kontrata ay unconstitutional at ilegal dahil nilalabag umano nito ang probisyon ng bagong Public-Private Partnership (PPP) Code na isinabatas December 5, 2023.
Pinuna ng mga petitioner na naisabatas ang PPP Code bago ang bidding para sa concession contract noong December 23, 2023.
Binigyan-diin ng petitioners na pinayuhan mismo ng Office of the Solicitor General (OSG) at Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) ang Manila International Airport Authority na ang bidding at award ng project ay saklaw ng PPP Code.
Gayunman, sa halip na kumuha ng mga kinakailangan na approval sa ilalim ng bagong batas, binalewala lamang ng MIAA ang payo ng OSG at OGCC.
Iginiit ng grupo na ang ibinigay na governmental rate-fixing power sa NNIC ay labag sa konstitusyon.
Kinuwestiyon nila ang Revised Administrative Order No. 1 o ang RAO1 governing fees, rentals and charges na inaprubahan lamang nitong September 2024 o anim na buwan matapos ibigay ang proyekto sa NNIC.
Anila, sa ilalim ng RAO1 pinapayagan ang private entity na magpatupad ng legislative rate-fixing powers.
“This is patently illegal,” giit ng mga petitioner.
Kabilang sa mga petitioner na naghain ng petition for certiorari and prohibition ay sina Joel Butuyan, Ma. Soledad Derequito-Mawis, Tony Laviña at Jose Mari Benjamin Francisco Tirol. Teresa Tavares