Home NATIONWIDE Crackdown sa 402 illegal POGO ikinasa

Crackdown sa 402 illegal POGO ikinasa

MANILA, Philippines – Iniutos ng House committees on Public Order and Safety at House Games and Amusements ang crackdown laban sa 402 illegal POGO na nag-ooperate sa bansa.

Ang kautusan ay ipinalabas ng komite kasunod ng isinasagawa nitong motu proprio inquiry hinggil sa illegal na POGO at ang mga krimen na iniuugnay sa operasyon nito.

Sa naganap na pagdinig ay sinabi ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na mayroon na silang intelligence report ukol sa lokasyon ng 402 illegal POGO.

Ayon kay PAOCC Undersecretary Gilbert Cruz, kabilang sa 402 illegal POGO ay ang mga dati nang nag-ooperate na nakansela ang permit subalit nagpatuloy pa rin sa operasyon gayundin ang mga natukoy na scam farms.

Sinabi ni Cruz na nasa 78 lamang ang legal POGO operations na pinangangasiwaan ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR).

Iginiit ni Leyte Rep. Richard Gomez na kritikal ang responsibilidad ng mga Local Government Units (LGUs) para mapigil ang paglipana ng illegal POGO.

“So since they’re still operating sa mga iba-ibang LGU, it is also the responsibility of the mayors to make sure that they’re not operating anymore,” pahayag ni Gomez.

Giit ng mambabatas, ang mga LGU kasama ang Business Permit Licensing Offices (BPLO) ang dapat na managot kung mayroong POGO na illegal na nag-ooperate sa kanilang lugar.

“The BPLO must ensure that they’re also not operating, that they should be canceled, they should be closed. ‘Yan ang trabaho ng LGU. So tumatakbo pa rin sa mga LGU. That also must be investigated, must be questioned,” giit ni Gomez.

Ang operasyon ng mga POGO ay hindi umano mamomonitor ng national agencies bagkus ang dapat gumagawa nito ay ang mga LGUs. Gail Mendoza