Home NATIONWIDE Crash course sa Maritime Zones Law, hirit ni TOL para sa 4,000...

Crash course sa Maritime Zones Law, hirit ni TOL para sa 4,000 bagong rekrut ng PCG

Dapat sumabak sa isang “crash course” ukol sa Philippine Maritime Zones Act (RA 12064) ang 4,000 bagong rekrut ng Philippine Coast Guard (PCG). Ito ang mungkahi ni Senate Majority Leader Francis 'TOL' Tolentino, na nagsabing bibigyan nito ang mga bagong PCG personnel ng mas malalim na pang-unawa sa isyu ng West Philippine Sea.

Dapat sumabak sa “crash course” sa bagong-pasang Philippine Maritime Zones Act (RA 12064) ang 4,000 bagong rekrut ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ito’y para magkaroon sila ng mas malalim na pang-unawa sa mga isyung kinakaharap ng bansa, partikular sa sigalot sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino.

Inihirit ni TOL ang mungkahi kay Commodore Algier Ricafrente, PCG spokesperson, sa kanilang pag-uusap sa regular na programa ng senador ngayong umaga.

“Higit sa basic training at physical formations, dapat dumaan sa pag-aaral ng Philippine Maritime Zones Act ang mga bagong rekrut ng Coast Guard,” ani Tolentino, pangunahing may akda ng nasabing batas.

“Mas mauunawaan nila kung nasaan ang ating territorial sea, international waters, exclusive economic zone, at iba pa. Basic knowledge, pero mahalaga ito, lalo na kung may challenge halimbawa sa isang banyagang barko na pumasok sa ating teritoryo,” paliwanag nya.

Ayon kay Ricafrente, idedestino sa iba’t ibang rehiyon ang mga bagong rekrut, na magpapalakas din umano sa pwersa ng PCG, na ngayo’y aabot na sa 35,000.

Pinasalamatan din ng opisyal ang pagpasa kamakailan ng Senado sa House Bill 10841, na nagtatakda ng tatlong taong fixed term para sa PCG Commandant. Aniya, palalakasin ng panukala ang kakayahan ng pamunuan ng ahensya na malatag ng mga pangmatagalang programa na makabubuti sa maritime safety at security.

Sumang-ayon naman si Tolentino, na isa sa mga co-author ng bill. Bukod sa pangangalaga ng seguridad, rumeresponde rin aniya ang Coast Guard sa panahon ng sakuna, gaya ng oil spills. Sinisiguro din umano ng ahensya ang kaligtasan at kabuhayan ng mga mangingisda, gayundin ng mga manlalakbay sa karagatan ng bansa. RNT