Home NATIONWIDE Creative compensation solutions sa biktima ng Marawi siege, hirit sa Senado

Creative compensation solutions sa biktima ng Marawi siege, hirit sa Senado

MANILA, Philippines – Nanawagan ang isang senador sa pamahalaan na magbigay ng mas mataas at makatarungang kompensasyon sa lahat ng biktima ng 2017 Marawi siege upang tuluyan na silang makabalik sa normal na pamumuhay.

Sa pahayag, sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na makatarungan lamang na mabigyan ng tinukoy nitong “creative compensation solutions” ang biktima ng naturang giyera dahil hindi naman nila ginusto ang nangyari.

Aniya, kailangan nang makabalik sa normal na pamumuhay tulad ng kanilang sitwasyon bago lusubin ng Maute Gang ang lungsod.

Nitong Martes, Mayo 21, 2024, nagsagawaa ng pagdinig ang Joint Congressional Oversight Committee (JCOC) sa pamumuno ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa kasama ang ilang pangunahing ahensya ng gobyerno.

Nakatuon ang pagdinig sa aktuwal na kalagayan ng mamamayan kung nakabalik na sila sa Marawi City matapos ang giyera.

“The point of compensation is to return them to their situation before the Marawi war,” wika ni Cayetano sa kanyang pakikipagtalakayan kay Atty. Maisarah Damdamun-Latiph, Chairperson ng Marawi Compensation Board (MCB).

“So if they built their house and it was worth P3 million ten years before the Marawi Siege, and then at the Marami Siege it was at P15 million, I have to give them the equivalent of P15 million now to return them to their status before the war because that is just compensation,” dagdag niya.

Nakisimpatya din ang senador sa lahat nawalan ng tahanan sa Marawi na patuloy na nasa proseso ng pagbangon, at binigyang-diin ang hamon ng pagtukoy sa “fair market value” ng kanilang tahanan.

“Kung ako ay nag-ipon or three generations minana ko y’ung bahay na worth P5 million noong binomba, then you will now only give me P5 million and i can only build half of that house, I will feel na doble ang injustice para sa akin. Binomba na kami, ganyan pa ang trato niyo sa amin,” wika niya.

Sumagot si Damdamun-Latiph na habang nais ng MCB na mapabilis at gawing makatarungan ang pagbibigay kompensasyon sa mga biktima, limitado ng batas ang kapangyarihan nito.

Pero ayon kay Cayetano, bagaman maaaring hindi sapat ang batas kasalukuyan, isinasaad naman ng Konstitusyon ang pangangailangan ng makatarungang kompensasyon sa pagkuha ng ari-arian.

“If we interpret the law in a way that doesn’t provide the correct amount, then that law will become unconstitutional because it says, ‘No taking of property without just compensation,’” wika niya.

Hinikayat ni Cayetano ang lahat ng pangunahing ahensya ng gobyerno na magmungkahi ng “creative compensation solutions” sa mas mataas na mga awtoridad.

“I don’t think our beloved President and Congress will deny you if you come up with creative just compensation and have them approve it,” wika niya.

Iminungkahi rin ng independent senator sa MCB na bumuo ng isang joint resolution na magtatakda ng formula para sa fair market value para sa mga biktima upang matulungan ng Kongreso ang mga pamilyang nawalan ng tirahan na agarang makabalik sa kanilang mga tahanan.

“In the end, when we really compensate them, we want na ‘pag sinabi nilang ‘Thank you,’ it’s because we cared, hindi y’ung ‘kaysa sa wala,’” wika niya. Ernie Reyes