MANILA, Philippines – Sa ikinasang interdiction operation ng mga miyembro ng Inter Agency Drugs Interdiction Task Group (IADITG) ay nadakip ang isang babaeng pasaherong Croatian national na nakumpiskahan ng 4,156 gramo ng hinihinalang shabu sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago mananghali ng Sabado, Marso 14.
Kinilala ng IADITG ang inarestong babaeng suspek na si Neri, 48, travel agency manager, isang Croatian national.
Sa inisyal na report ng IADITG, nadakip ang suspek bandang alas 11:30 ng tanghali sa Customs Exclusion Room, Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City.
Napag-alaman na lumapag ang eroplanong sinasakyan ng suspek sa NAIA Terminal 3 lulan ng Cathay Pacific Airlines Flight CX 748 mula Johannesburg, South Africa na may connecting flight galing ng Hong Kong sakay naman ng Cathay Pacific Airlines Flight CX 907.
Naging kakaiba ang ikinilos ng suspek kung kaya’t nang buksan ang kulay beige na bagahe nito na may tatak na Power Up ay tumambad sa mga operatiba ang tatlong improvised pouches na gawa sa itim na duct tape kung saan nadiskubre ang hinihinalang shabu na may timbang na mahigit apat na kilo o 4,156 gramo na nagkakahalaga ng P28,260,800 na kasama ng dalawang pares ng sapatos at iba’t-ibang uri ng damit.
Bukod sa ilegal na droga ay nasamsam din sa suspek ang kanyang pasaporte at 5 boarding pass, isang kulay itim na handbag na naglalaman ng dalawang cellular phone, phone charger, power bank, susi ng sasakyan, eyeglass case at kulay pulang pitaka kung saan nakalagay ang kanyang Croatian identity card, Croatian driver’s license, Croatian health card, assorted bank cards, at iba’t-ibang karensiya ng salapi.
Ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service para isailalim sa laboratory examination.
Kasong paglabag sa Section 4 Art. Il ng RA 9165 ang kinahaharap ng suspek na kasalukuyang nakapiit sa PDEA custodial facility.
Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga operatiba ng PDEA RO NCR na siyang namuno sa operasyon; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at ng Bureau of Immigration (BI). (James I. Catapusan/larawan ni Jimmy Hao)







