MANILA, Philippines- Tiniyak ng Department of Education (DepEd) nitong Miyerkules na tumutugon ang mga panukala nito sa pangangailangan ng mga mag-aaral na “culturally sensitive” sa gitna ng mga pag-aalala sa pagpapatupad ng Comprehensive Sexuality Education (CSE).
Inihayag ito ng DepEd matapos ihayag ng National Coalition for the Family and the Constitution (NCFC) ang pagkabahala sa posibleng pagtalakay sa mga konsepto tulad ng “gender fluidity” at “sexual diversity,” contraception, abortion, at non-traditional relationships sa ilalim ng CSE.
Sinabi ng grupo na taliwas ang mga usaping ito sa tradisyunal na Christian at Islamic morality sa buhay pamilya.
Subalit, nanindigan si DepEd Secretary Sonny Angara na nakikinig ang ahensya sa mga hinaing ng publiko ukol sa kanilang mga panukala, binanggit na bukas ang ahensya sa mga suhestiyon hinggil sa kanilang pagsisikap.
”We are actively collaborating with various stakeholders, including health service providers and community organizations, to ensure that our programs are effective and culturally sensitive. Our efforts include exploring models from our communities and other countries,” pahaya ni Angara.
“Sinisiguro ng Kagawaran na ang aming mga hakbang ay tumutugon sa pangangailangan ng ating mga mag-aaral, lalo na kung paano sila makitungo sa kanilang sarili at sa isa’t isa,” dagdag niya.
Inalala rin ni Angara ang panahon niya sa Senado kung saan nagsagawa siya ng mga hakbang upang tugunan ang nakaaalarmang pagtaas sa bilang ng kaso ng teenage pregnancy.
”We filed a resolution aimed at adopting a whole-of-government approach to develop a comprehensive policy framework. This framework seeks to prevent early childbearing and mitigate its negative consequences, such as school dropouts, and ensure the welfare and future of our youth.” RNT/SA