Home NATIONWIDE Pagtaas ng kontribusyon sa SSS ipinahihinto ni Hontiveros: ‘Di tumataas sahod’

Pagtaas ng kontribusyon sa SSS ipinahihinto ni Hontiveros: ‘Di tumataas sahod’

MANILA, Philippines- Hiniling ni Senador Risa Hontiveros sa Social Security System (SSS) na itigil ang plano nitong ipatupad ang pagtaas ng halaga ng kontribusyon ng miyembro dahil hindi naman tumataas ang sahod ng manggagawa.

Sa paghahain ng Senate Resolution No. 1269, sinabi ni Hontiveros na kailangan imbestigahan ang SSS contribution hike.

“Habang pababa ng pababa ang halaga ng kinikita ng ating mga kababayan nitong mga nakaraang taon, pataas ng pataas naman ang investment earnings ng SSS. Saan naman nila dadalhin itong super tubo na ‘to? Baka magulat na lang tayo at ilagay nila ‘yan sa Maharlika Fund,” ayon kay Hontiveros.

Patuloy na nya pa, “Pumalo na sa P100 billion ang net income ng SSS noong 2024, dumami pa ang contributors nang halos 30 percent, at lumawig pa nga ang fund life nito hanggang 2053. Obvious naman na kayang-kaya ng SSS na huwag munang mangolekta ng increase

Ibinabala ni Hontiveros na kapag itinuloy ang pagtaas ng halaga ng kontribusyon, mas bibigat ang pasanin ng pangkaraniwang manggagawa at ilang bahagi ng middle class.

“Halos wala pa ring ipon ang ilan sa ating mga kababayan dahil sa pandemya at nabawasan pa nga ang halaga ng kanilang kinikita dahil sa inflation. Huwag na muna sanang bawasan ng SSS ang kanilang take-home pay na maliit na nga, mas liliit pa dahil sa contribution hike,” ani Hontiveros.

“Inaprubahan ang contribution hike noong 2018 pa, kung kailan wala pa sa isipan nating magkakaroon ng pandemic na hanggang ngayon damang-dama pa rin ng ilan sa atin ang epekto, lalo na pagdating sa ating mga bulsa,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Hontiveros na dapat magsagawa ng kaukulang pag-aaral ang SSS hinggil sa planong pagtataas ng kontribusyon upang ibalanse ang interes ng ordinaryong manggaggawa sa actuarial life ng state insurer.

“Huwag muna nating ipatupad ang SSS contribution hike habang pinag-aaralan natin ito ulit. Manatili sanang salbabida ang SSS sa mga panahon ng pangangailangan, imbes na lalo pang magpalubog sa mga miyembro nito,” aniya. Ernie Reyes