Home METRO Curfew ipinatupad sa bayan sa NegOcc sa pagputok ng Kanlaon

Curfew ipinatupad sa bayan sa NegOcc sa pagputok ng Kanlaon

MANILA, Philippines – Nagpatupad ng curfew ang lokal na pamahalaan ng La Castellana, Negros Occidental kasunod ng pagsabog ng bulkang Kanlaon.

Inilabas ni Mayor Rhummyla Nicor-Mangilimutan ang executive order nitong Huwebes, Hunyo 6, na nagpapatupad ng curfew mula alas-9 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw sa lahat ng pampublikong lugar sa bayan.

Iginiit ni Mangilimutan na kailangan na magkaroon ng regulasyon at public at non-essential activities sa bayan upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga residente.

Aniya, kailangan ding suportahan ang anti-criminality effort ng pulisya sa mga panahong ito.

Sakop ng curfew ang ilang indibidwal, habang hinihimok din ang mga opisina, establisyimento, mga simbahan, at iba pa na i-adjust ang kanilang operating hours.

Exempted naman sa curfew ang lahat ng empleyado ng pamahalaan na naka-duty sa nasabing mga oras, mga empleyado ng pribadong opisina o establisyimento na ang oras ng pasok ay sakop ng curfew, mga doktor at veterinarians, mga empleyado ng public utility companies, at iba pang tinukoy.

Kailangang ipakita ang identification card ng empleyado sa oras ng curfew sa mga checkpoint.

Samantala, mahigpit naman na minomonitor ng lokal na pamahalaan ang lahar na tumama sa ilang barangay ng naturang bayan. RNT/JGC