MANILA, Philippines – Hinatulan na makulong ng habang buhay ang umano’y customs “fixer” na nasa likod ng ₱6.4 billion shabu shipment mula China noong 2017.
Napatunayan ng Manila RTC Branch 46 si Mark Taguba at dummy consignee na si Eirene Mae Tatad at negosyanteng si Dong Yi Shen (alias Kenneth Dong) guilty sa paglabag sa Section 4 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Bukod sa hatol na life imprisonment, inatasan ng korte ang bawat akusado na magbayad ng PHP500,000 bilang multa.
Samantala, ang kaso laban sa iba pang akusado na sina Chen Julong, (alyas Richard Tan o Richard Chen), Li Guang Feng (alyas Manny Li), Teejay Marcellana, Chen I-Min, Jhu Ming Jyun an Chen Rong Huan ay pansamantalang naka-archive habang hindi pa sila naaaresto.
Nakasaad sa 37 pahinang desisyun na malinaw na si Taguba ang may pangunahing papel para madala ang mahigit kalahating tonelada ng shabu sa bansa. Prinoseso nito ang importation documents at ginamit ang kanyang logistics company na Golden Logistics, Inc. para ayusin ang pagbiyahe ng container.
“Taguba’s direct involvement in processing and facilitating the shipment’s entry through the Bureau of Customs is a clear overt act in furtherance of the conspiracy.”
Dumating ang iligal na kargamento sa Manila International Container Port noong May 16, 2017 at dinala sa warehouse ng Hongfei logistics sa Valenzuela City.
Ang naturang shipment ay agad ipinabatid ng Anti-Smuggling Bureau ng China Customs sa Bureau of Customs (BOC) kaya naisagawa ang pagsalakay.
Magugunita nito lamang September ay hinatulan ng Manila RTC-Branch 46 sina Taguba, Tatad, Dong at ang warehouseman na si Fidel Dee na guilty sa kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act kaugnay sa shabu shipment.
Iniutos ng korte na makulong ang mga akusado ng 40 taon at pinagbayad ng kabuuang ₱150 million. Teresa Tavares