Home HOME BANNER STORY Bebot binurdahan ng saksak, patay sa Las Pinas

Bebot binurdahan ng saksak, patay sa Las Pinas

MANILA, Philippines – Patay ang isang 29-taong-gulang na babae matapos di-umanoý pagsasaksakin ng kanyang dating asawa Las Pinas City, Lunes ng tanghali, Nobyembre 18.

Hindi na umabot pa ng buhay sanhi ng maraming tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan nang itakbo sa Las Pinas District Hospital ang biktima na kinilalang si Janilyn Quinto, 29, residente ng Barangay 30, Pasay City.

Kinilala naman ni Las Pinas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang nadakip na suspect na dating asawa ng biktima na si Dennis Austria Quinto, residente ng Galas, Quezon City.

Base sa report na isinumite ni Tafalla kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Bernard R. Yang, nangyari ang pananaksak bandang alas 12:00 ng tanghali sa harap ng isang nakatayong tent sa bakanteng lote sa Gatchalian Road, Barangay Manuyo Dos, Las Pinas City.

Sinabi ni Tafalla na sa salaysay ng saksi na si Edgardo Paraiso, Jr., security guard ng Fine Property, nasaksihan nito ang komosyon ng biktima at ng kanyang dating asawang suspect kung kaya’t mabilis siyang tumawag ng pulis na agad namang rumesponde sa lugar kung saan inabutan ng mga ito ang duguang biktima na nakahandusay sa kalsada na itinakbo sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara na itong dead on arrival.

Ayon kay Tafalla, kanilang sinimulan ang imbestigasyon ng kaso sa nakuhang cellular phone ng biktima kung saan nadiskubre na huling nakausap ng biktima ang kanyang dating asawa na suspect.

Nalaman lamang ang pagkakakilanlan ni Janilyn nang tumawag sa cellular phone nito ang Shopee delivery na nagsabing dalawang araw na niyang kinokontak ang biktima ngunit hindi ito nasagot.

Sa ilang mga nakausap na testigo ng mga imbestigador ay sinabi ng mga ito na huli nilang nakitang buhay ang biktima na kasama ang kanyang dating asawang suspect.

Sinabi ni Tafalla na nang magsagawa ng follow-up investigation ang mga imbestigador ay nagtungo ang mga ito sa bahay ng biktima sa Pasay kung saan tiyempo naman na dumating din ang suspect sa lugar na nagresulta ng kanyang pagkakaaresto dakong alas 3:00 Martes ng hapon, Nobyembre 19.

Nahaharap sa kasong parricide ang suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Pinas City police. (James I. Catapusan)