MANILA, Philippines – Nasamsam ng mga awtoridad ang mga bote na naglalaman ng cyanide mula sa mga bangka ng China na nag-ooperate malapit sa BRP Sierra Madre, ayon sa National Security Council (NSC) nitong Lunes, Abril 13.
Sa press briefing, sinabi ni NSC spokesperson Cornelio Valencia Jr. na narekober ng Philippine Navy ang mga bote noong Pebrero 20 at Oktubre 24, 2025.
Sinuri ang mga boteng ito ng National Bureau of Investigation (NBI) Forensic and Scientific Research Service.
“The NSC officially announces that the laboratory test has confirmed that the yellow bottles recovered by the Philippine Navy from Chinese sampans operating around BRP Sierra Madre have been positively found to contain cyanide,” ani Valencia.
Ang cyanide ay isang mapanganib na kemikal na kayang magdulot ng “severe and irreversible damage” sa marine life, coral reefs, at maging sa mga tao.
Karaniwan itong ginagamit sa iligal at mapanirang paraan ng pangingisda.
Para sa NSC, ang presensya ng cyanide sa lugar ay lubhang nakababahala at banta sa mga tauhan ng Philippine Navy sa BRP Sierra Madre, maging sa mga mangingisdang Pinoy sa lugar.
Nagbabala rin ito na ang cyanide ay nagpapababa ng kalidad ng coral reefs sa paligid ng shoal.
Tinawag naman ng NSC na “irresponsible and unacceptable” ang paggamit ng mapanganib na kemikal ng mga bangka ng China sa lugar.
Ipinunto rin ni Valencia na ang mga aksyong ito ay paglabag sa environmental laws ng Pilipinas at international maritime norms.
Inatasan na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) na palakasin ang maritime domain awareness, pagpapatrolya, at iwasan ang iba pang pinsala sa kalikasan. RNT/JGC