Home NATIONWIDE DA: Mga kalamidad wa epek sa suplay ng bigas

DA: Mga kalamidad wa epek sa suplay ng bigas

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) nitong Miyerkoles na sapat at matatag ang suplay ng bigas at pagkain sa bansa habang ang pinsalang pang-agrikultura ay nagbabadya na lumampas sa taunang average na may pinagsamang epekto ng mga natural na kalamidad.

“In terms sa bigas na meron tayo ngayon, in terms of volume na meron tayo, there’s no reason na matakot tayo dahil may sapat na suplay na nanggagaling sa lokal na produksyon at pag-aangkat,” ani DA Assistant Secretary Arnel De Mesa sa isang panayam.

Kaugnay nito nitong Agosto 29, naitala ng DA ang pagdating ng mahigit 2.8 milyong metriko tonelada (MT) na importasyon ng bigas mula Enero, na kinabibilangan ng 296,350 MT na dumating noong Agosto.

Ginawa ni De Mesa ang katiyakan habang iniulat ng DA ang mahigit PHP8.46 bilyon halaga ng pagkalugi sa produksyon ng palay, katumbas ng 386,960.34 MT, dahil sa pinagsamang epekto ng El Niño phenomenon, shearline, northeast monsoon, trough ng low-pressure area , Bagyong Aghon, Super Bagyong Carina at habagat, at ang unang pinsala sa agrikultura mula sa Tropical Storm Enteng mula Enero hanggang Setyembre.

Ang taunang average na pagkawala sa produksyon ng bigas ay umaabot mula 500,000 MT hanggang 600,000 MT, kung isasaalang-alang ang pananalasa ng mga bagyo sa Pilipinas.

“Sa rice yun, kung ito nasa almost 400,000 (MT), syempre wala pa yung epekto ng La Niña ‘di ba? So, mabi-breach mo na iyong normal average annual losses ” sabi ni De Mesa.

Sa pangkalahatan, iniulat ng DA ang PHP23 bilyon na halaga ng pinsala sa agrikultura para sa 979,125 MT volume loss sa buong bansa.

Gayunman, sinabi ni De Mesa na ang epekto ng El Niño at iba pang kalamidad ay maaaring mas malala pa kung wala ang mitigation efforts ng DA.

Samantala tiniyak din niya ang mga interbensyon upang mabawasan ang epekto ng nagbabantang La Niña, na kinabibilangan ng pagkumpleto, rehabilitasyon, at pagkukumpuni ng mga irigasyon ng bansa.

Kaugnay nito iniulat naman ng DA – Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRM) na PHP350.85 milyon ang halaga ng paunang pinsala dahil sa epekto ng Enteng, na nakaapekto sa 13,623 magsasaka. (Santi Celario)