MANILA, Philippines – Inatasan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Masagana Rice Industry Development Program (MRIDP) kasama ang Philippine Rice Research Institute at iba pang unit na mahigpit na imonitor ang posibleng epekto ng nagbabadyang El Niño phenomenon sa sektor ng lokal na bigas.
Nakikipag-ugnayan din ang Department of Agriculture (DA) sa National Irrigation Administration, na ngayon ay nasa ilalim na ng Office of the President, para sa tamang paggamit ng alokasyon ng tubig at siguruhing handang sumuporta sa mga magsasaka ang irrigation systems sa tagtuyot.
Kasabay nito ay pinapalakas ng DA ang pagsuporta sa mga magsasakang Pinoy sa tumataas na halaga ng farm inputs, partikular ang mga fertilizer dahil naman sa tensyon sa Middle East na nagpataas sa presyo ng produktong petrolyo.
Sa pahayag nitong Biyernes, Abril 24, sinabi ni Tiu Laurel na ipinag-utos na niya ang paghahanda para sa “worst-case scenario” para maibsan ang epekto ng El Nino sa farm production, kita ng mga magsasaka at economic activity.
“It is no longer a question whether we will experience another El Niño after the 2024 episode that undermined rice harvest. The only question that needs to be answered is its intensity,” aniya.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mayroong 92 percent probability para sa katamtaman hanggang malakas na El Nino sa Pilipinas batay sa El Niño-Southern Oscillation (ENSO) outlook.
Sa iba pang global climate model ay nakikita ang posibleng “super” El Niño, na magpapababa sa ulan at magkakaroon ng malaking epekto sa water sources sa agricultural areas. RNT/JGC