Home NATIONWIDE DA naglunsad ng mga post-harvest investment, intervention sa Camarines Norte

DA naglunsad ng mga post-harvest investment, intervention sa Camarines Norte

2
0

MANILA, Philippines – Inilunsad ng Department of Agriculture (DA) nitong Lunes ang mga suportang pang-agrikultura at post-harvest investment na nagkakahalaga ng P64 milyon sa Camarines Norte, na naglalayong tugunan ang mga hamon sa produksyon, pag-iimbak, pagproseso, at mekanisasyon.

Pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. ang turnover ng mga tulong sa Vinzons at Labo, kasama ang DA Regional Field Office 5 at ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Gov. Ricarte “Dong” Padilla. Sa baybaying bayan ng Vinzons, pinasinayaan nina Tiu Laurel at Padilla ang isang P10.8 milyong modular cold storage facility na idinisenyo upang suportahan ang pangunahing industriya ng Formosa o Queen Pineapple sa lalawigan.

Ayon sa Department of Agriculture (DA) ang 40-foot na pasilidad na may insulation ay pinapagana ng hybrid power system na pinagsasama ang mga solar panel, wind turbine, at diesel generator. Layunin nitong tulungan ang mga magsasaka na mapanatili ang kalidad at mapahaba ang panahon ng pagbebenta ng Queen Pineapple, isang tropikal na prutas na kinikilala sa buong mundo dahil sa lasa at kalidad nito.

“Ang temperature-controlled storage facility na ito ay makatutulong upang mapangalagaan ang Queen, ang uri ng pinya na pinahahalagahan sa buong mundo dahil sa malutong nitong tekstura, mabangong tamis, at kakaibang mapulang gilid, at itinatanim ng humigit-kumulang 1,570 magsasaka sa Camarines Norte,” ani Tiu Laurel.

Kaugnay nito bukod sa Queen Pineapple, maaari ring gamitin ang cold storage facility para sa iba pang pangunahing produktong agrikultural sa lalawigan, kabilang ang mga gulay na itinatanim sa mabababang lugar at iba pang madaling masirang pananim. Magbibigay ito sa mga magsasaka at producer ng karagdagang option para sa wastong pangangasiwa pagkatapos ng anihan, na makatutulong upang mapanatili ang kalidad ng mga produkto, mabawasan ang pagkasira, at mapahaba ang panahon ng pagbebenta ng kanilang ani.

Samantala, sa bayan ng Labo, ipinagkaloob ng DA National Corn Program sa Unlad Magsasaka Mais Sagana Farmers Association ang isang P10.6 milyong feed mill facility, isang hauling truck, at mga kagamitang pangproseso. Nagbigay rin ang ahensya ng mga farm input na nagkakahalaga ng P2.02 milyon.

Samantala, nakatanggap ang mga magsasaka ng palay sa Labo at Vinzons ng karagdagang P23 milyong halaga ng hybrid palay seeds at fertilizers para sa dry season.

Ang Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ay nagkaloob naman ng P14.7 milyong halaga ng heavy farm machinery, kabilang ang apat na four-wheel-drive tractor at apat na rice combine harvester.

Naglaan din ang DA ng P450,000 halaga ng tulong para sa produksyon ng high-value vegetables sa Labo at Vinzons. SANTI CELARIO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here