MANILA, Philippines – Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit (LGU) na palakasin ang mga hakbang para protektahan ang maritime resources ng bansa at mga baybaying komunidad laban sa foreign intrusions.
Ayon kay DILG Assistant Secretary Lillian De Leon, mahalaga ang papel ng mga LGU sa pangangalaga sa maritime domain at likas na yaman ng Pilipinas.
Sa forum, ibinahagi ni Masinloc, Zambales Mayor Hazel Lim ang epekto ng West Philippine Sea (WPS) dispute sa mga mangingisda. Aniya, naapektuhan ang kanilang huli at kabuhayan dahil sa pagbabawal umano sa mga Pilipinong mangingisda na makapasok sa ilang bahura.
“Ngayon ang nangyari po sa mga bangka, na three million (pesos) worth, ay naka-park na lang po dahil hindi na sila makalapit doon sa bahura. May mga attempt na po kami na makalapit, pero sumusunod po ang mga Chinese coast guard vessel,” pahayag ni Lim.
Ayon naman kay National Maritime Council spokesperson Alexander Lopez, hindi lamang usapin ng maritime security ang WPS kundi nakaaapekto rin sa kabuhayan at food security ng mga Pilipino. Sinabi niyang may mga programa ang national government para tulungan ang mga coastal community gaya ng Masinloc.
Tinalakay rin sa forum ang harassment sa Filipino fisherfolk, kakulangan sa government support, at pagkalat ng misinformation at propaganda kaugnay ng maritime issues.
Isinagawa ang forum bilang bahagi ng 2026 Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month (MANA Mo), na may temang “Karapatan sa Karagatan, Sama-sama Nating Alagaan.”
Ayon sa DILG, ipinagdiriwang ang MANA Mo tuwing Setyembre alinsunod sa Proclamation No. 316, s. 2017, upang palawakin ang kaalaman tungkol sa maritime at archipelagic character ng Pilipinas at hikayatin ang mga ahensya ng gobyerno, LGU at pribadong sektor na makilahok sa mga kaugnay na aktibidad. RNT/MDS