Home NATIONWIDE DA: Pagpayag sa NFA na bumili, magbenta ng bigas makapagpapatatag sa presyo...

DA: Pagpayag sa NFA na bumili, magbenta ng bigas makapagpapatatag sa presyo ng kalakal

MANILA, Philippines- Inulit ng Department of Agriculture (DA) na ang hakbang na muling payagan ang National Food Authority (NFA) na bumili at magbenta ng mas murang bigas ay pinaniniwalaang magiging dahilan ng pagtatag ng presyo kapag ang retail price ay “masyadong mataas.”

Sinabi ni DA Assistant Secretary at spokesperson Arnel de Mesa na ang panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) ay “much-needed intervention” kung ang Pilipinas ay hindi babaling sa “marahas” na hakbang gaya ng price caps.

“We don’t want iyong mga ganitong measures kasi iyong price cap, maganda iyon sa simula pero in the long term, mayroon iyong negative economic impacts sa ating bansa,” anito.

“So, kung magkakaroon ng opportunity ang NFA to intervene, mabilis iyong epekto,” dagdag na pahayag ni de Mesa.

Winika pa ni De Mesa na ang NFA rice na ibebenta ay magandang klase at “relatively priced lower” kumpara sa dating umiiral na market price para sa well-milled, sa pagitan ng P48 hanggang P53.

“Kasi noong una kasi, nakakapag-provide siya ng PHP27. But we are not expecting naman iyong ganoong presyuhan but we are expecting na relatively lower iyong presyo ng NFA prevailing market price,” aniya.

“Kapag naipasa itong amyenda sa RTL, puwede nang mag-intervene at magdala mismo sa retail outlets ang NFA,” wika pa ni de Mesa.

Sa ilalim ng batas, limitado ang mandato ng NFA at iyon ay ang tiyakin na ang buffer stocks para sa mga sakuna o kalamidad ay pinapayagan lamang na bumili ng dalawang uri ng ani mula sa lokal na magsasaka, fresh palay mula P19 hanggang P23; at malinis at tuyo sa pagitan ng P23 at P30.

“So, kung makakapamili iyong NFA ng bigas mismo, mababawasan iyong gastusin ni NFA sa pag-dry, sa pag-mill at kapag bigas na iyan, mas madaling i-maintain at mas madaling i-dispose,” ang winika ni De Mesa.

Samantala, tiniyak naman ni de Mesa sa mga magsasaka na ia-apply lamang ito sa mga kaso kapag ang bansa ay mayroong isyu sa suplay o presyo.

“Ang normal function pa rin ng NFA is to buy palay from our farmers,” pahayag niya. Kris Jose