MANILA, Philippines- Pinababaligtad ng Department of Agriculture (DA) sa Supreme Court (SC) ang nauna nitong desisyon na payagan ang mga commercial fishing vessel na mangisda sa municipal waters.
Naghain ng motion for reconsideration ang DA sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General na humihiling na ibasura ang naging resolusyon ng SC First Division noong August 2024 na nagpatibay sa desisyon ng Malabon RTC na nagdedeklara sa preferential access provisions ng Fisheries Code na labag sa Konstitusyon.
Partikular na ipinawalang-bisa ng Malabon RTC ang Sec. 16 hinggil sa hurisdiksyon ng municipal government na ikontrol ang commercial fishing sa municipal waters ng hanggang 15 kilometro mula sa baybayin.
Hinihimok ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang Korte na isaalang-alang ang naging desisyon nito upang matiyak ang pagpapanatili ng pangingisda sa baybayin ng bansa.
Nababahala ang DA sa posibleng masamang epekto ng desisyon sa kabuhayan ng maliliit na mangingisda at sa magiging epekto nito sa marine ecosystem.
Nanindigan ang DA na poprotektahan ang interes ng maliliit na mangingisda habang pinangangalagaan ang yamang-dagat.
Samantala, inihayag ni Laurel ang mga hakbang ng DA para tulungan ang maliliit na mangingisda gaya ng paglalaan ng solar-powered ice plants at fish processing facilities. Teresa Tavares