Home NATIONWIDE Viral sampaguita vendor inasitihan ng DSWD

Viral sampaguita vendor inasitihan ng DSWD

MANILA, Philippines- Nagbigay ng paunang tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamilya ng nag-viral na babaeng college student na inatake ng security guard sa labas ng isang mall sa Mandaluyong City.

Sa naging kautusan na rin ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, personal na iniabot ni Assistant Secretary Irene Dumlao ang P20,000 kay Judith, ina ng sampaguita vendor na nagngangalang Jeny, 22, na nasa eskwelahan nang mag-house visit ang mga DSWD social workers.

“Nanay, ito pong ipinaabot namin sa iyo ay initial pa lamang. Sabi po ng case manager natin, babalik sya at mag-iinterview sya para humingi ng additional information kasi gusto rin po namin kayong matulungan,” ang sinabi ni Dumlao sa ina sa bahay ng mga ito sa Quezon City.

Sinabi nito na lalo pang aalamin ng mga social worker ang sitwasyon ng pamilya upang madetermina kung ano pa ang maaaring maitulong gaya ng Sustainable Livelihood Program.

Sa isinagawang panayam, sinabi ni Judith na ang kanilang pamilya ay dating benepisaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program subalit gradweyt (graduate) na dahil ang pinakabunsong anak ay 19 taong gulang.

Sinabi ni Judith na si Jeny ay first-year student, kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Medical Technology.

Sinabi pa rin nito sa mga social worker na nagsisikap si Jeny na tapusin ang kanyang pag-aaral, dahilan para magtinda ito ng sampaguita pagkatapos ng kanyang klase.

“Kaya sila nagsusumikap na magtinda, doon sila kumukuha ng baon at pamasahe. Tapos ang iba ay itatabi nila para pagdating ng babayarin [sa school] ay mayroon silang pagkukunan,” ayon kay Judith.

Si Judith ang gumagawa ng sampaguita habang ang kanyang mga anak at asawa ang nagbebenta nito.

Sa ulat, hindi itinago ng mga magulang ng viral sampaguita vendor na masama ang loob nila sa ginawa ng security guard sa kanilang anak. Napag-alaman na 22-anyos na college student na ang dalaga at mayroong kakambal.

“Masakit sa kalooban kasi akong nanay hindi ko sila nahampas ng ganyan. Masakit kasi ginawa nila sa anak ko, na sinipa parang ganoon naghahanap-buhay nang maayos,” ayon sa ina ni Jeny.

“Nakikiupo lang siya kasi umaambon ng time na ‘yon.… Eh ngayon dumating ang guard. Pilit siya pinapaaalis. Ang anak ko na ‘yan ‘pag alam niya tama siya ipaglalaban niya sarili niya eh hanggat hindi nagkakaunawaan, hinablot ngayon ang sampaguita,” sabi naman ng ama ni Jeny.

December 17, 2024 umano nang mangyari ang insidente sa labas ng SM Megamall. Tinanggal na sa mall ang sangkot na security guard sa insidente.

“On the part of the DSWD,lagi po nating sinasabi na hindi po natin tino-tolerate ang gender-based violence. Dapat ay there is a collective effort on the part of the private and public sectors na protektahan at pangalagaan ang karapatan ang well-being ng bawat isa,” ang sinabi ni Dumalo. Kris Jose