MANILA, Philippines- Suportado ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang deklarasyon ng ‘food security emergency’ dahil nananatiling mataas ang presyo ng bigas.
“The reason that we are doing this is ginawa na natin lahat upang ibaba ang presyo ng bigas ngunit the market is not being allowed to work properly,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag nang tanungin hinggil sa napipintong food security emergency ng Department of Agriculture (DA).
“Hindi nasusundan ang demand and supply curve dahil hanggang ngayon kahit ibaba mo lahat ng inputs, ang pagbenta mataas pa rin,” ang sinabi ng Pangulo.
“And so, we have to force that price down and we have to make sure that the market works properly na walang friction cost na nangyayari dahil sa iba’t ibang bagay,” ang paliwanag ng Chief Executive.
“At iyong iba doon iligal kaya’t iyan ang iniimbestigahan ngayon ng Kongreso,” dagdag niya.
Samantala, nakatakda namang magdeklara si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ng food security emergency bago magtapos ang buwan ng Enero para tugunan ang tumataas na retail price ng bigas at layong paramihin ang murang bigas.
Ang hakbang ay kasunod ng resolusyon ng National Price Coordinating Council (NPCC) na hinihikayat ang DA na magdeklara ng “food security emergency for rice.”
Nananatiling mataas ang presyo ng bigas sa kabila ng pagbaba ng global rice costs at tariff reductions na ipinag-utos ni Pangulong Marcos. Kris Jose