MANILA, Philippines- Tatapusin ngayong taon ang lahat ng housing projects para sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda, mahigit 11 taon na ang nakalipas.
Sa pagsasalita sa ceremonial turnover ng 3,517 housing units para sa mga Yolanda victim sa Leyte, sinabi ni Housing Secretary Jose Rizalino Acuzar na ang target para makumpleto ito ay nakahanay sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Utos ng Pangulo: Tapusin ng NHA [National Housing Authority] ang lahat ng Yolanda-housing projects dito sa Region 8 at sigurado lahat ngayong taon ay tatapusin ang problema sa Yolanda housing,” ani Acuzar.
“Naniniwala kami na ang okasyong ito ay magsisilbing panibagong pag-asa at inspirasyon para lalong magpursige sa buhay. Sa pamamagitan ng ligtas at disenteng bahay, matatag at maunlad komunidad,” dagdag niya.
Itinayo ang housing units sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Program ng NHA. Ang bawat unit ay mayroong floor area sa pagitan ng 22 to 28.6 square meters at itinayo sa lote na may 40 square meters.
Ang mga bahay ay matatagpuan sa Cool Spring Residences, Riverside Community Residences, Mont Eagle Ville Subdivision, Coconut Grove Village, Dagami Town Ville at Pastrana Ville, lahat ay sa Leyte.
May ilang bahay naman sa Marabut Ville Sites 1 at 2 sa Samar; at Culaba Housing Project sa Biliran.
Sinabi naman ni Pangulong Marcos sa mga benepisaryo na ang kanilang bagong tahanan ay matibay at kayang tagalan ang mga kalamidad.
“Nagpatayo tayo ng mga bahay na matibay at kayang siguruhing ligtas ang inyong pamilya sa gitna ng mga hamon ng kalikasan. ‘Yan ay dahil sa disaster-resilient housing design na masusing isinagawa ng National Housing Authority,” ang sinabi ng Pangulo.
Ayon sa NHA, 175,728 mula sa 189,800 target units ang kompleto na, ‘as of December 2024’ kabilang na rito ang 3,517 units sa ceremonial turnover.
Samantala, may 14,072 units ang inaasahan na makokompleto sa December 2025. Kris Jose