Home METRO Nutri-Jeep ni Sen. Imee maagang namigay ng pagkain sa mga deboto ng...

Nutri-Jeep ni Sen. Imee maagang namigay ng pagkain sa mga deboto ng Sto.Niño sa Lakbayaw Festival

MANILA, Philippines- Dinagsa ng mga deboto ng Sto.Niño ang ‘Lakbayaw Festival’ nitong Sabado ng umaga sa Tondo, Maynila sa bisperas ng Kapistahan nito.

Hindi pa nagbubukang-liwayway ay nagtipon-tipon na sa Simbahan ng Sto. Niño de Tondo ang mga deboto na may dalang mga imahe ng batang santo.

Karamihan sa may iba’t ibang laki at makukulay na imahe ng replica ng Santo Niño ay nakasakay sa mga tricycle, sidecar at sasakyan habang ang Santo Niño na galing sa Simbahan ng Tondo ay sakay ng Andas.

Maaga namang namahagi ng nutriban, tubig at iba pang pagkain ang Nutri-Jeep ni Sen. Imee Marcos sa mga deboto na maaga pa lamang ay naghihintay na sa pag-arangkada ng Lakbayaw festival parade.

Ito ay upang umagapay sa mga deboto na maagang dumalo sa misa at sumama sa prusisyon ng Sto. Nino.

Bago ang Lakbayaw parade, idinaos muna ang unang banal na misa ng alas-6 ng umaga na dinaluhan ng senadora kasama si dating Manila 1st District Cong. Manny Lopez.

Nakiisa rin ang senador at si Lopez sa pag-indak sa Lakbayaw kung saan umikot ang prusisyon mula simbahan patungong Ilaya St., CM. Recto, Asuncion St., Moriones, Juan Luna pagkatapos ay umikot ng Pritil Market pabalik ng simbahan kung saan ibabalik ang orihinal na imahe ng Santo Niño.

Sa dami ng nakilahok sa Lakbayaw, sinabi ni Lopez na pinagsama-sama ng Sto. Niño ang mga Manilenyo sa panahon ng maraming problema at sabay-sabay na humihingi ng gabay sa Diyos.

Dalangin nila ang patuloy na pagkakaisa ng mga Pilipino lalo pa at maraming pagsubok ang nararanasan ng bansa.

Nagpaabot din ng kanilang pagbati at pakikiisa sina Marcos at Lopez sa iba pang lugar na kasabay na nagdiriwang na Pista ng Sto. Nino tulad ng Pandacan sa Maynila.  Jocelyn Tabangcura-Domenden