Manila, Philippines – Pinag-aaralan na ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagkakaroon ng panibagong 30 porciento dagdag sa benefit packages.
Sa pagdinig ng House Appropriations Committee sa budget ng Department of Health (DOH) para sa 2025 ay sinabi ni PhilHealth president at chief executive officer Emmanuel Ledesma Jr. na maaari ng asahan ng publiko ang dagdag na benepisyo hatid ng Philhealth.
“We are in the process of studying another round of 30 percent [increase] almost across-the-board. I can commit to this Committee that this will happen before Christmas Day.”
Nitong February 14, 2024 ay nagpatupad ang PhilHealth ng 30-percent increase sa coverage rates ng benepisyo upang mabawasan ang gastos at pagpapagamot ng mga pasyenteng Pinoy.
Kasabay nito ay tiniyak ni Health Secretary Ted Herbosa na rerepasuhin ang benepisyo ng mga Pinoy kabilang ang kung paano makakakuha ng benepisyo ng PhilHealth.
“We will review as requested… all these packages we have also been pushing as chair in the PhilHealth (Board of Directors) as I have been telling the board,” dagdag ni Herbosa.
Binigyang diin naman ni Agri party-list Rep. Wilbert Lee sa naturang pagdinig ang kaniyang panawagan na panahon upang magdagdag ng benepisyo ang PhilHealth gamit ang pondo ng ahensya.
Nakapaloob sa House Resolution No. 1900 ayon kay Lee ang malaking pondo ng PhilHealth at ang naibalik na PHP89.9 bilyong hindi nagamit na savings sa national treasury na malaking dahilan upang lalong madagdagan ang benepisyo para sa actual hospitalization costs.
“Hindi dapat pinatatagal ito. Hindi ko ito tatantanan hanggang maipatupad (We should not delay this. I won’t stop until this is implemented). I will be left with no choice but to move to defer the DOH budget for the year 2025 at the proper time during our plenary deliberations if this remains unaddressed,” sinabi pa ni Lee.(Meliza Maluntag)