Home HOME BANNER STORY Dagdag-bawas sa produktong petrolyo aarangkada sa Martes

Dagdag-bawas sa produktong petrolyo aarangkada sa Martes

MANILA, Philippines- Muli na namang magpapatupad ng dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas ng umaga.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad ang mga ito ng dagdag-presyo na P0.40 sa kada litro ng gasolina habang bawas-presyo naman na P0.50 sa kada litro ng diesel at P0.75 sa kada litro naman ng kerosene na magiging epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May dagdag-bawas din sa presyo ng mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) at CleanFuel na magiging epektibo alas-12:01 bukas ng madaling araw.

Ang ipatutupad na dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaang nitong nakaraang Martes ay nagpatupad din ng dagdag-bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na dagdag-presyo P0.90 sa kada litro ng gasolina habang bawas-presyo naman na P0.20 sa kada litro ng diesel at P0.40 sa kada litro naman ng kerosene. JR Reyes