Home NATIONWIDE DHSUD muling nagbabala kontra scammers na gumagamit sa 4PH

DHSUD muling nagbabala kontra scammers na gumagamit sa 4PH

MANILA, Philippines- Inulit ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang babala nito laban sa mga  indibidwal at grupo na ginagamit ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) Program para mag-solicit ng cash o pera mula sa ‘unsuspecting victims.’

Muling nagpalabas ng babala si DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar sa publiko at impormasyon ukol sa solicitation activities gamit ang 4PH Program, partikular na ang pagdagit sa overseas Filipino workers (OFWs).

Ayon sa DHSUD, may ilang indibidwal o grupo ang nanghihikayat ng  “investors” partikular na ang mga OFW, para pondohan ang 4PH projects kapalit ng napakagandang return rates.

“Hindi po kami tumatanggap ng investors para magpagawa ng 4PH projects. Wala pong authorized na opisina o tao, kahit dito sa DHSUD, na makipag transaksyon tungkol sa ganitong investment scheme,” ayon kay Acuzar.

“Fake news po yan, o mas malala baka po scam,” dagdag niya.

Hiniling naman ni Acuzar sa publiko na kagyat na i-report ang anumang impormasyon kaugnay sa anumang pribadong indibidwal o mga grupo na nagpapanggap bilang “ahente” ng 4PH.

Binigyang-diin ni Acuzar na ang mga interesado sa 4PH ay dapat lamang na ilapit ang kanilang mga katanungan at alalahanin sa DHSUD o sa kanilang host local government units (LGUs).

Ang anumang impormasyon na makararating sa DHSUD ay hahawakang mabuti “with utmost confidentiality.”

Nangako ito na pananagutin ang mapatutunayang inaabuso ang 4PH.

“We will exert the full force of the law against these unscrupulous individuals or groups preying on unsuspecting victims,” ang sinabi ni Acuzar.

Iginiit ni Acuzar na hindi kukunsintihin ng DHSUD ang anumang “illegal act” na naglalayong i-discredit o idiskaril ang kasalukuyang pagpapatupad ng 4PH sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa pagre-report naman ng mga pinaghihinalaang illegal activities, gaya ng solicitation na may kaugnay sa 4PH, mangyari aniya na kontakin ang (02) 8424-4070, o mag-email sa [email protected]Kris Jose

-30-