CAMP BGEN PACIANO RIZAL- Nadakip ang isang hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga, makaraan itong makuhanan ng humigit-kumulang P1.3 milyong halaga ng shabu at baril, nitong Linggo ng madaling araw (Dec. 8, 2024 ) sa Barangay Tadlak Los Baños, Laguna.
Ang suspek na tinukoy na isang High Value Individual hinggil sa ilegal na pagtutulak umano nito ng droga ay kinilala sa alyas na Putin, nasa hustong gulang, residente ng nabanggit na lugar.
Base sa isinumiteng report ni PLT Col Mark Anthony R. Aningalan, hepe ng pulisya, kay PCol. Gauvin Mel Y. Unos, Provincial Director ng Laguna Police Provincial Office, dakong alas-3:50 ng madaling araw ng Linggo nang magsagawa ng buy-bust operation ang Los Baños Municipal Police Station, matapos na magpanggap na poseur buyer ang isang pulis kung saan humantong sa aktong kaagad na inaresto ang suspek.
Narekober sa suspek ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 200 gramo na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P1,360,000, kalibre 38 pistol, limang pirasong bala nito, sling bag at ang ginamit ng poseur buyer na marked money.
Pansamantala namang nakakulong ang suspek sa Los Baños Police Station at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act 2002 ) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regular Act).
“Isa sa prayoridad ng Laguna PNP ay ang sugpuin ang illegal drugs sa lalawigan, at patuloy ang Laguna PNP sa pagsasagawa ng mga operasyon kontra droga para hulihin lahat ng gumagamit at nagbebenta ng pinagbabawal na gamot, lalong-lalo na sa mga nasa talaan ng High Value Individual, ” ayon kay PCol. Unos. Ellen Apostol