Home HOME BANNER STORY Dagdag-honoraria para sa mga guro sa midterm elections sinisilip ng Comelec

Dagdag-honoraria para sa mga guro sa midterm elections sinisilip ng Comelec

MANILA, Philippines- Sinisilip ng Commission on Elections (Comelec) na itaas ang honoraria para sa mga miyembro ng electoral board at support staff para sa 2025 midterm elections dahil sa karagdagang oras ng botohan.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ipaglalaban ng komisyon ang karagdagang honoraria ng mga guro ‘across the board.’

“Wala na nga silang tax exemption eh, pagkatapos pagdadagdagin pa namin ng trabaho? May bagong makina pa na tuturuan namin sila tapos wala namang dagdag na kikitain sila sa araw na yun,” sabi ni Garcia.

Plano ng komisyon na magpatupad ng maagang voting hours para sa vulnerable voters sa midterm elections, kabilang ang persons with disabilities (PWDs), senior citizens, at mga buntis. Ang nasabing sektor ay maaaring bumoto mula alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng umaga.

Sinabi rin ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang pag-aaral ng oras at galaw ng poll body ay nagsiwalat ng lima hanggang anim na oras na pagtaas sa post-processing ng mga balota, na magdaragdag ng maraming oras sa trabaho ng mga guro bilang poll workers.

Ayon kay Laudiangco, ang pagtaas ay bahagi ng kanilang maagang isunulong na panukalang badyet sa Department of Budget Management (DBM) para sa 2025.

“Sa ating mga teachers po, basta ang hiling lang po ng Comelec ay gawin po natin ang trabaho natin nang maayos, i-ko-compensate po tayo nang maayos, i-se-secure po ng Comelec ang inyong mga kalalagayan,” sabi  ni  Laudiangco. 

Sa nakaraang automated elections, mayroong P9,000 honorarium para sa mga miyembro ng electoral board at P8,000 para sa support staff.

Hindi pa natatapos ng Comelec ang fixed rate para sa karagdagang honoraria.

Samantala, hindi gagamit ng transparency server ang Comelec sa 2025 midterm election, ngunit ang resulta ay sabay-sabay na ipadadala sa mga data center kabilang ang direkta sa National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL), Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), at ang media server.

Ipapatupad din ang internet voting para sa overseas Filipino workers (OFWs), gayundin ang mall voting sa buong bansa.

Tiniyak naman ni Garcia na imposible umano ang hacking ng bagong botante dahil ang poll scanner ay wireless. Jocelyn Tabangcura-Domenden