Home NATIONWIDE Dagdag P1K honorarium sa poll workers oks sa DBM

Dagdag P1K honorarium sa poll workers oks sa DBM

MANILA, Philippines- Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas ng P758.459 milyon upang saklawin ang karagdagang tig-P1,000 honorarium para sa poll workers, kabilang ang mga guro, na nagsilbi sa May 12 midterm elections.

Inihayag ito ni DBM Secretary Amenah Pangandaman ngayong Lunes, sinabing bukod pa ang P1,000 sa naunang inaprubahang dagdag na P2,000 bilang bahagi ng 2025 General Appropriations Act.

“Muli po natin nakita ang dedikasyon ng ating mga guro at poll workers sa pagbabantay ng ating mga boto ngayong eleksyon. Kaya naman, sa utos po ng ating mahal na Pangulo, inaprubahan po natin ang additional na pondo para mabigyan sila ng karagdagang honoraria,” pahayag ni Pangandaman.

“That’s the least we can do to honor their invaluable service. ‘Yan po ay isang paraan ng ating pasasalamat sa kanila,” dagdag niya.

Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na 758,549 poll workers ang nagserbisyo sa national and local elections. RNT/SA