BACOLOD CITY- Umabot sa P33 milyong halagang hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa tatlong nadakip na suspek sa magkahiwalay na lugar noong Linggo sa lungsod na ito.
Sa report ng Drug Enforcement Unit ng Bacolod City Police Office (BCPO), dakong alas-2:15 ng madaling araw noong Linggo sa Barangay Estefania, nahuli ang suspek na si Jom, 37, bodegero.
Ayon kay PCol. Joeresty Coronica, hepe ng Bacolod police, nakuha kay Jom ang 2.5 kilo ng shabu na nakabalot sa tea o fruit packaging at pinaniniwalaang mula pa sa Luzon.
Makaraan ang halos isang oras, naaresto rin si Robert, 41, sa Barangay 2 sa operasyon ng Police Station 2. Nakuha mula sa kanya ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon. Si Robert ay kilala umanong big-time drug pusher na may dating kaso kaugnay sa droga, ayon kay PMaj. Eugene Tolentino.
Samantala, isang babae na kinilalang si Cherry, 41, mula Jaro, Iloilo City, ang naaresto sa isang lodging house sa Barangay Singcang-Airport ng Police Station 8.
Nakumpiska sa kanya ang 1.1 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P9.13 milyon, digital weighing scale, at isang bag na may Chinese label.
Ayon kay PCapt. Greeky Cayao, si Cherry ay kagagaling lang sa Iloilo gamit ang roll-on roll-off vessel bago maaresto. Pinaniniwalaang may operasyon din ito sa Iloilo at Negros Occidental.
Lumalabas sa paunang imbestigasyon na ang shabu na nakuha mula kay Cherry ay posibleng galing sa Mindoro. Inaalam din ng mga awtoridad kung may koneksyon ang tatlong suspek at kung iisa ang kanilang supplier. Mary Anne Sapico