Home NATIONWIDE Bong Go sa publiko: Mag-ingat, magbantay sa pag-usbong ng COVID-19 sa SEA

Bong Go sa publiko: Mag-ingat, magbantay sa pag-usbong ng COVID-19 sa SEA

MANILA, Philippines- Nagpaalala si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate committee on health, sa publiko na maging mapagbantay, ngunit kalmado, kaugnay ng ulat na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa ilang bahagi ng Southeast Asia.

Ngunit sinabi ni Go na batay sa pagsisiyasat ng Department of Health (DoH), wala namang natutukoy na kaso sa loob ng bansa kaya walang dapat na ikalarma. 

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang DOH sa international counterparts nito, partikular sa pamamagitan ng mga mekanismo sa loob ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), upang subaybayan ang sitwasyon.

Sa isang pahayag, iniulat ng DOH na ang Pilipinas ay kinakitaan ng 87% pagbaba sa mga impeksyon at pagkamatay ng COVID-19 ngayong taon, kung saan 1,774 lamang ang naiulat na mga kaso kumpara sa 14,074 noong 2024. Ang kaso ng fatality rate ay nasa 1.13%. 

Bahagyang bumaba rin ang weekly figures sa mga nagdaang linggo, may 71 kaso na naitala mula Marso 23 hanggang Abril 5, 2025, at 65 na kaso mula Abril 6 hanggang 19.

Sa kabila ng improved outlook, nanawagan si Go sa mga Pilipino na ipagpatuloy ang pagsunod sa mga pangunahing protocol sa kalusugan, partikular sa public at healthcare settings.

“Marami na tayong lessons learned mula sa nangyari noong pandemya. Nalampasan man natin ito, hindi rin tayo pwedeng maging kampante. Ugaliin pa rin natin ang pagsusuot ng face mask sa mga ospital, paghuhugas ng kamay, at patuloy na pagbibigay halaga sa ating kalusugan,” payo ng senador. 

“Importante ang pag-iingat, lalo na kung kalusugan ang nakataya. Tandaan na ang kalusugan ay kayamanan. Ang kalusugan ay katumbas ng buhay ng bawat Pilipino,” paalala niya. 

Sang-ayon ang DOH kay Go kaya hinikayat nito ang publiko na manatiling sumusunod sa mga hakbang ng pag-iingat:

– Magsuot face mask sa mga pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan

– Manatili sa bahay kapag masama ang pakiramdam

– Takpan ang bibig at ilong kapag bumabahing o umuubo

– Regular na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig

– Humingi ng maagang konsultasyon kapag nakararanas ng mga sintomas

Habang idineklara ng World Health Organization (WHO) na tapos na ang emergency phase ng COVID-19 pandemic noong Mayo 2023, ang virus ay patuloy na lumalabas sa iba’t ibang rehiyon. Noong unang bahagi ng 2025, mahigit 777 milyong kaso at mahigit pitong milyong pagkamatay ang opisyal na naitala sa buong mundo mula noong Disyembre 2019.

“Ang totoo, kahit pa sabihin nating ‘endemic’ na ang COVID, hindi ito nangangahulugang wala na itong epekto. Kung may natutunan man tayo, ito ay ang kahalagahan ng pagiging handa at may kakayahang tugunan ang anumang banta sa kalusugan,”ani Go. RNT