MANILA, Philippines- Sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nasa kamay na ng Senado ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang podcast, sinabi ni Pangulong Marcos na pabayaan na lamang na gumulong ang proseso sa usaping ito.
Sa nasabing podcast, tinanong kasi si Pangulong kung maaari niyang sabihin na kontra siya sa impeachment.
”’Yung impeachment, nasa Senado na ‘yan. Pabayaan natin sila, may proseso ‘yan, pabayaan natin ang proseso eh ako basta’t ang nasa isip ko, tapos na ang eleksyon, balik sa trabaho,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam.
Nauna rito, itinanggi ng Malakanyang na itinutulak ni Pangulong Marcos ang impeachment ni VP Sara matapos ang naging resulta ng midterm elections.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, sa simula pa lamang ay walang kamay ang Pangulo para isulong ang pagpapatalsik sa pwesto sa bise presidente.
Bagama’t may bagong komposisyon na aniya sa Senado, hindi totoo ang mga ulat na kumpiyansa ngayon ang administrasyon na mapapatalsik si VP Sara sa pwesto at wala ring kahit anong pag-uusap tungkol dito.
Giit ni Castro, ang pangunahing layunin ngayon ni Pangulong Marcos ay ang pagkakaisa ng mga bagong halal na opisyal, anuman ang kanilang partido.
Dapat aniyang unahin ang kapakanan ng mamamayan at hindi ang pansariling interes o para sa kaibigan lang. Kris Jose