MANILA, Philippines- Umapela ng pang-unawa ang Malacañang sa umiiral na rehabilitasyon ng San Juanico Bridge.
Inihayag ito ni Communications Undersecretary Claire Castro matapos ianunsyo ng Office of Civil Defense nitong Linggo na magpapatupad ng bagong safety measures sa tulay, kabilang ang pagbabawal sa pedestrian crossings.
Sa press briefing nitong Lunes, sinabi ni Castro na dapat tingnan ang proyekto bilang isang long-term safety perspective, sa halip na “short-term disruption.”
“Mas nanaisin po talaga na maiwasan kung anumang maaaring idulot ng disgrasya kung ito man ay hindi maayos nang maaga,” pahayag niya.
Tiniyak ng Palace Press Officer sa publiko na nagsasagawa ng mga hakbang ang gobyerno upang ibsan ang epekto sa mga apektadong komunidad.
Nakumpleto noong 1973, ang 2.16-kilometer San Juanico Bridge ang nagdudugtong sa mga lalawigan ng Samar at Leyte at itinuturing na mahalagang koneksyon para sa regional trade at public transport. Sa umiiral na rehabilitasyon, nilimitahan ang vehicular access, dahilan upang magkaroon ng pag-aalala ang business owners at mga residente. RNT/SA