Home NATIONWIDE Dagdag-plea bargaining rules inilabas ng SC

Dagdag-plea bargaining rules inilabas ng SC

258
0
(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Naglabas ang Supreme Court ng dagdag na mga alituntunin sa plea bargaining o pag-amin sa mas mababang krimen sa drug cases — kailangang ihain ng mga prosecutor ang lahat ng kanilang batayan sa pagtutol sa plea bargain agreement. Kung hindi, ituturing na abandonado o “waived” na ang mga ito.

Sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao, pinagtibay ng En Banc ng Korte ang desisyon ng Regional Trial Court (RTC) na hinatulang guilty si Rodulfo Ferraren Aquino (Aquino) sa illegal possession of drug paraphernalia sa ilalim ng Section 12 ng Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. In-update din ng Korte ang Clarificatory Guidelines on Plea-Bargaining in Drugs Cases, na kilala rin bilang Montierro guidelines.

Narito ang mga dagdag na guidelines mula sa Korte Suprema:

Kung tumutol ang prosekusyon sa plea bargaining motion, lahat ng hindi binanggit na basehan ay ituturing na inabandona na.

Kung iilan lang sa basehan ng pagtutol ng prosekusyon ang tinalakay ng trial court, maaaring utusan ng mas mataas na hukuman o ng Korte Suprema ang korte na resolbahin ang mga natitirang isyu.

Kung hindi kumpleto ang mga record sa appellate court o Korte Suprema at hindi malinaw kung ano ang sitwasyon, maaari ring utusan ang mababang korte na muling pagdesisyunan ang kaso batay sa alituntunin sa Montierro at sa kasong ito.

Kinasuhan si Aquino sa Dumaguete City ng illegal possession at sale ng shabu. Sa kabila ng pagtutol ng prosekusyon, pinayagan siya ng Regional Trial Court (RTC) na makapag-plea bargain at maghain ng guilty plea sa mas mababang krimen na illegal possession of drug paraphernalia.

Pinawalang-bisa ng Court of Appeals (CA) ang hatol ng RTC dahil walang pagsang-ayon ng prosekusyon.

Binaliktad naman ng Korte Suprema ang desisyon ng CA dahil malinaw sa kaso ng People v. Montierro na maaaring isantabi ng korte ang pagtutol ng prosekusyon kung dahil lamang sa paglabag sa mga panuntunan ng Department of Justice (DOJ).

Pero, giit ng Korte, kailangan pa ring sumunod sa guidelines ng Korte Suprema. Kailangan ding tingnan kung maituturing bang habitual offender ang akusado at kung malakas ang ebidensya laban sa kanya.

Sa kaso ni Aquino, hindi na ito natingnan ng RTC dahil nauna ang plea bargain bago pa makapagpresenta ng ebidensya ang prosekusyon. Pero sa halip na ibalik ang kaso sa RTC na makakapagpatagal lang sa kaso, inilapat ng Korte Suprema ang Omnibus Motion Rule sa ilalim ng Rules of Court, kung saan lahat ng basehan sa pagtutol ay dapat naihain sa pinakaunang pagkakataon.

Sa huli, ibinalik ng Korte Suprema ang naging hatol ng RTC na apat na taong pagkakakulong at multang PHP 60,000.
Teresa Tavares

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here