Home NATIONWIDE Dagdag-presyo sa produktong petrolyo gugulong sa Martes

Dagdag-presyo sa produktong petrolyo gugulong sa Martes

MANILA, Philippines- Malakihang dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ang sumalubong sa unang linggo ng Setyembre makaraang maglabas ng anunsyo ang mga kompanya ng langis sa bansa ng oil price hike na magiging epektibo bukas.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag-presyo na P0.5 kada litro ng kanilang gasolina, P1.20 sa kada litro ng diesel at P1.10 sa kada litro ng kanilang kerosene epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May dagdag-presyo rin sa mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) na magiging epektibo alas-12:01 bukas ng hatinggabi habang sa CleanFuel naman ay magiging epektibo ito pagsapit ng alas-4:01 bukas ng hapon.

Ito na ang ika-walong sunod na linggong pagtaas sa presyo ng gasolina habang nasa ika-siyam na magkakasunod na linggo naman para sa produktong diesel at kerosene.

Ang ipapatupad na dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod ng patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng oil price hike ang mga kompanya ng langis sa bansa na P0.30 kada litro ng kanilang gasolina, P0.70 kada litro ng diesel at P0.80 kada litro ng kerosene. JAY Reyes