Home NATIONWIDE Rice price ceiling suportado ng NEDA

Rice price ceiling suportado ng NEDA

MANILA, Philippines- Suportado ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang price ceiling sa bigas sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kasunod ito ng pagtaas ng presyo ng bigas sa mga lokal na pamilihan.

Ayon sa NEDA, ang price ceiling na ipinag-utos ni Pangulong  Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng Executive Order 39 ay isa lamang sa mga inisyatiba ng pamahalaan.

“The imposition of a price ceiling on rice is not a standalone initiative. Law enforcement authorities continue their valiant efforts to crack down on individuals who hoard, excessively profit from, smuggle, or participate in rice cartels,” ayon sa kalatas ng NEDA.

“We are confident that the imposition of a price ceiling is only a temporary measure. We expect the rice harvest to commence soon and anticipate that other initiatives will produce the desired result,” dagdag nito.

Nauna rito, inaprubahan ni Pangulong Marcos  ang rekomendasyon na magpataw ng mandated price ceiling sa bigas sa buong bansa.

Ito ay sa pamamagitan ng pag-iisyu ng Executive Order No. 39 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin na may petsang Agosto 31.

Layon ng EO na matiyak ang makatwirang presyo at madaling ma-access ng mga Pilipino ang mga pangunahing pagkain sa gitna ng nakaaalarmang pagtaas ng mga retail price nito sa merkado.

Ang pagtatakda ng price ceiling ay batay na rin sa rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at ng Department of Trade of Industry (DTI).

Inilabas din ito kasunod ng sectoral meeting noong Agosto 29 kung saan na-brief si Pangulong Marcos tungkol sa estado ng mga hakbangin ng pamahalaan upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa bansa.

Sa ilalim ng EO 39, ang price ceiling para sa regular milled rice ay nasa P41 kada kilo habang ang price cap sa well-milled ay nasa P45 kada kilo.

Mananatili ang mandated price ceilings ‘in full force’ at epektibo, maliban na lamang kung i-lift ito ng Pangulo. Kris Jose