MANILA, Philippines- Ibinida ng Bureau of Customs (BOC) na lumampas sa opisyal na target na itinakda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa buwan ng Agosto 2023 ang koleksyon nito.
Batay sa datos, nakakolekta ang BOC ng P75.642 bilyon, na lumampas sa target ng DBCC na P72.275 bilyon ng 4.7%, na may katumbas na P3.367 bilyon.
Ayon sa BOC, mula Enero hanggang Agosto 2023, nakakolekta ang Bureau ng P582.133 bilyon na kita, na lumampas sa target na P567.740 bilyon ng 2.54%, na may katumbas na P14.393 bilyon. Kumpara sa koleksyon noong nakaraang taon na P558.455 bilyon sa parehong panahon, ang kita ngayong taon ay lumago ng 4.24%, na nagkakahalaga ng P23.678 bilyon.
Pinasalamatan naman at pinuri ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio ang mga tauhan ng Bureau para sa kanilang pambihirang pagganap, na hindi maikakailang instrumento sa pagkamit ng maayos na koleksyon.
“We will continue to monitor trade activities and implement measures to sustain this positive momentum in revenue collection, as part of the Bureau’s collaborative effort in further strengthening the nation’s financial standing,” ani Commissioner Rubio.
Bukod dito, sa ilalim ng pamamahala ni Commissioner Rubio, matagumpay na nakapagsagawa ng 687 anti-smuggling operations, na nagresulta sa P31.118 bilyong halaga ng iba’t ibang smuggled goods, ang pinakamataas sa nakalipas na limang taon. JAY Reyes